Lilimitahan ang mga ad lib ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) nito, ngayong araw.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo at sinabing inaasahang aabot lamang ng 45 minuto ang talumpati ng Pangulo.
Nakatuon aniya ang talumpati ng Pangulo sa kanyang mga ipinangako noong kampanya, katulad ng paglaban sa ilegal na droga, kurapsyon at ang mga plano para sa susunod na huling tatlong taon pang panunungkulan.
Babanggitin din aniya ng Pangulo ang ilang kontrobersyal na isyu, gaya ng West Philippine Sea at ang panawagan ng United Nations Human Rights Council para pag-aralan ang human rights situation sa bansa.
Sinabi ni Panelo, hindi dedepensahan ng Pangulo ang kanyang sarili sa SONA pero pangangaralan niya ang kanyang mga kritiko kaugnay sa kanilang maling paniniwala.
Malinaw naman aniya ang agenda ng Duterte administration na maipakita at maipahayag sa publiko na mahigpit sila sa pagsugpo sa ilegal na droga at krimen.
Pinayuhan naman ni Presidential Communications Operation Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang sambayanan na pakinggan ang SONA ni Duterte dahil napakahalaga ito.
“It is very important for every Filipino not only the 85% of the Filipinos who trusts the President; not only the 80% who are satisfied with the performance of the President, but including those Filipinos who disagree with the President; the minority, the 3% and perhaps those who are undecided. This Monday will be the day that you will know the future and how the future will look like in the Philippines,” banggit nito.
Laman aniya ng SONA ng Pangulo ang pagtiyak nitong maibaba ang antas ng kahirapan ng hanggang 14% mula sa 21% at maiparamdam sa mga Pinoy ang pag-angat ng ekonomiya.
Asahan ding babanggitin ng Pangulo sa kanyang SONA ang isyu sa China, saan naging mainit noong nakalipas na buwan dahil sa insidente sa Recto Bank sa Palawan.
Gayunman, sinabi ni Andanar na naglunsad sila ng pre-SONA activities sa Maynila, Cebu City at Davao City ilang linggo bago sumapit ang Hulyo 22, dahil posibleng abutin ng hanggang gabi kapag inisa-isa ng iulat ng Pangulo ang kanyang mga nagawa sa loob ng nakalipas na tatlong taon.
“This is about legacy building. I call it the Duterte legacy. The Duterte legacy for the next three years will center around poverty alleviation, imprastraktura at peace and order,” ayon kay Andanar.
Binigyang-diin ni Andanar na sa aspeto ng imprastraktura, maraming nakalinyang mga major project ang Duterte administration na inaasahang magpapabago sa buhay ng mga Filipino, sa pamamagitan ng dagdag na trabaho at mabilis na biyahe ng mga kalakal at ng mamamayan.
Sa record ng Build, Build, Build program, 75 na malalaking proyekto ang nakalinyang ilarga ng Duterte administration kabilang na rito ang railways, subway, flyovers, mga tulay at railway sa Mindanao.
Sa pamamagitan nito, nasa 28 to 35 na proyekto ang inaasahang matatapos bago magwakas ang termino ng Pangulo sa 2022 at ang matitirang proyekto ay nasa susunod na Presidente na kung itutuloy nito
Asahan ding iuulat ng Pangulo ang mga adhikain na nais nitong malutas, katulad ng usapin sa peace and order.
Inaasahang babanggitin din ng Pangulo ang mga hakbang ng administrasyon upang malutas ang insurgency sa bansa.
Tutulungan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Philippine National Police (PNP) sa pagbabantay sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon araw, ayon sa Public Information Office of the Joint Task Force-National Capital Region.
Tiniyak naman ni House Acting Secretary-General Dante Roberto Maling, chairperson ng Steering Committee of Task Force SONA 2019, na handa na ang lahat sa seguridad sa SONA.
Inihayag naman ng pamunuan ng Kongreso na may nakahandang Filipino-inspired merienda buffet para sa mga miyembro ng diplomatic corps, VIPs at iba pang government officials pagkatapos ng SONA.