May dengue outbreak na rin sa Capiz, ang ikatlong lalawigan sa Western Visayas na nagdeklara nito, kasunod ng Iloilo at Guimaras.

OUTBREAK

Nilagdaan ni Governor Esteban Evan Contreras ang Executive Order No. 2019-001 sa pagdedeklara ng dengue outbreak sa probinsiya.

Ito ay matapos na matukoy ng Capiz Epidemiological Surveillance and Response Unit (CESRU) ng Provincial Health Office ang 771-porsiyentong pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan simula Enero 1 hanggang Hunyo 29, 2019.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Mayroong 2,177 dengue cases sa Capiz, at 14 sa mga ito ang nasawi.

Sa kaparehong panahon noong 2018, nasa 250 lang ang na-dengue sa lalawigan.

Nagdeklara ng hiwalay na dengue outbreak ang kabisera ng probinsiya na Roxas City, sa pangunguna ni Mayor Ronnie Dadivas, habang kapwa nasa ilalim na ng state of calamity ang mga bayan ng Pontevedra at President Roxas dahil sa dengue.

Batay sa executive order ni Gov. Contreras, binuo ang isang task force upang mapaigting ang kampanya ng lalawigan kontra dengue.

Partikular na magsasagawa ng “Kontra Dengue Day” sa mga barangay sa 16 na bayan at isang siyudad sa Capiz tuwing Sabado sa susunod na walong linggo.

Ipinag-utos din ng gobernador ang agaran at kumpletong serbisyo medikal sa lahat ng may dengue na naka-confine sa mga district hospitals ng Capiz.

Tara Yap