Apat na katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan nang mabanggan ng isang AUV ang isang tricycle makaraang sumabog ang gulong nito sa national highway ng Matalam, North Cotabato, ngayong Sabado ng hapon.

Ayon sa Matalam Police, patungo sa bayan ng Kabacan ang tricycle (MI 82071), habang pa-Davao naman ang tinutumbok ng Toyota Innova (LGR 622) nang mangyari ang salpukan, bandang 4:30 ng hapon ngayon.

Sinabi ng pulisya na maraming sakay na pasahero ang tricycle.

Pawang sakay sa tricycle ang mga napatay at nasugatan sa aksidente, ayon pa rin sa pulisya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng Innova nang biglang sumabog ang gulong nito, nawala sa kontrol ang takbo hanggang sa sumalpok sa kasalubong na tricycle.

“Dahil sa tindi ng banggaan, hindi na namin mai-describe ngayon ‘yung hitsura nung tricycle,” sabi ni Marvin Revilla, saksi sa aksidente.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang isinusulat ang balitang ito.

Nasa kustodiya na ng Matalam Police ang dalawang sasakyan, gayundin ang driver ng Innova.

Malu Cadelina Manar