June 05, 2026

Home BALITA National

Sen. Erwin kay Atty. Levi: 'Dalhin mo sa Ombudsman, siguraduhin mo lang na may ebidensya ka!'

Sen. Erwin kay Atty. Levi: 'Dalhin mo sa Ombudsman, siguraduhin mo lang na may ebidensya ka!'
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Mariing umalma si Sen. Erwin Tulfo sa alegasyong binato laban sa kaniya ni Atty. Levi Baligod at ng mga miyembro ng 18 ex-Marines na sangkot umano siya sa human trafficking o pamimili ng mga babae. 

Matatandaang pinahagingan ni Baligod sa ikinasang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes, Hunyo 4, 2026, na may isang senador daw ang sangkot sa human trafficking at pagbili sa mga babae.

Noong unang banggitin ni Baligod ang alegasyon, tila naunsyami siya sa pagtutukoy kung sino ang naturang senador dahil biglang naiba ang takbo ng usapin ng pagdinig. 

Muli naman itong siniyasat nina Sen. Rodante Marcoleta at iba pang mga senador dahilan para ipinuga ng ilang mga miyembro ng 18 ex-Marines na si Tulfo raw ang nakita nilang bumibili ng mga babae. 

KAUGNAY NA BALITA: Isang senador sangkot sa human trafficking, namimili ng babae—Atty. Baligod

National

Sen. Erwin vs 18 ex-Marines: 'Ako'y natutuwa, hindi ako naiinis. Matatawa ka na lang!'

Sa naging pahayag naman ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Biyernes, Hunyo 5, sinabi niyang madali lang naman daw ang magturo at magbato ng alegasyon sa panahon ngayon. 

“Madali naman pong magturo ngayon. Turo dito, turo doon. Pati ‘yong sinasabi na naghatid ng mga babae, na napakadaming babae na naman,” pagsisimula niya. 

Diin pa niya, “Ang susunod niyan, mantakin mo, human trafficking.” 

Ani Tulfo, dapat daw na dalahin nina Baligod at 18 ex-Marines ang alegasyong laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman kung talagang hindi raw nagsisinungaling ang mga nabanggit. 

“Kung talagang siya po ay maayos na tao at hindi nagsisinungaling, bakit hindi niya dalhin sa Ombudsman bilang siya po, sabi nga ni Sen. Loren, ay mga bayani,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Kung talagang bayani ka, e ‘di dalhin mo sa Ombudsman. Kasuhan mo ako ng plunder. Tulad ng ginawa nila ngayon para maimbestigahan ako kung tumanggap talaga ako ng male-maletang pera.” 

Pagpapatuloy ni Tulfo, hinalimbawa niya ang nakaambang kasong plunder umano ni Marcoelta dahil sa pag-amin mismo nito at pagtanggap ng donasyon para sa pangangampanya niya sa eleksyon noon.

“Tulad ni Sen. Marcoleta na iniimbestigahan ngayon sa plunder dahil inamin niya mismo na tumanggap siya ng 70 million,” diin niya. 

“Dalhin mo sa Ombudsman at kasuhan mo rin ako ng human trafficking. Siguraduhin mo lang na may ebidensya ka,” pagtatapos pa ni Tulfo. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag sina Baligod at ang 18 ex-Marines kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin vs 18 ex-Marines: 'Ako'y natutuwa, hindi ako naiinis. Matatawa ka na lang!'