May dengue outbreak na rin sa isla ng Guimaras, ang ikalawang lalawigan sa Western Visayas na nagtala ng maraming kaso ng nasabing sakit, kasunod ng Iloilo.
Nilagdaan ni Gov. Samuel Gumarin ang Executive Order No. 36 na nagdedeklara ng dengue outbreak sa probinsiya, makaraang humigit pa sa bilang ng epidemya ang mga naitatalang dinadapuan ng nasabing sakit.
Nakapagtala ang Provincial Health Office ng 1,046% pagtaas sa mga na-dengue sa Guimaras.
Nakapagtala ang island province, na binubuo ng limang bayan, ng 493 dengue cases, at dalawa sa mga ito ay namatay, simula Enero 1 hanggang Hulyo 6, 2019.
Naitala sa kabisera ng Guimaras, ang Jordan, ang pinakamaraming kaso ng dengue na umabot sa 153, habang mayroon namang 109 ang Buenavista.
Mayroong 93 kaso ng dengue sa bayan ng Nueva Valencia, 72 dengue cases sa Sibunag, at 66 sa San Lorenzo.
Sa Iloilo—na nagdeklara rin ng dengue outbreak kamakailan, hiniling ni Gov. Arthur “Toto” Defensor Jr. sa mga pribadong ospital sa Iloilo City na tanggapin ang mga may dengue mula sa 42 bayan ng lalawigan at ng component city na Passi.
Nag-uumapaw na kasi, hanggang sa pasilyo, ang mga pasyente sa mga pampublikong ospital sa probinsiya.
Batay sa huling datos, mayroong 5,435 kaso ng dengue at 20 pagkamatay sa Iloilo. Isa sa mga nasawi ang 10-anyos na anak ni dating Janiuay Mayor Jose “Jojo” De Paula.
Tara Yap