NAGPAPASALAMAT si Direk Cathy Garcia-Molina na tapos na ang shooting nila ng Hello, Love, Goodbye sa Hong Kong nang magkaroon doon ng serye ng malawakang protesta laban sa deportation policy ng China.

“(Very) thankful, wala na kami nu’ng nangyari ‘yun. Kung nandoon kami, it would be very hard for everyone. Maraming salamat at nakaalis na kami bago pa pumutok ‘yun. Malamang maaapektuhan kami (kasi) they’re everywhere,” katwiran pa ng box-office director.

Inamin din ni Direk Cathy na hindi sila nag-shoot sa mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga turistang nagpupunta sa Hong Kong o madalas mapanood sa ibang pelikula tulad ng Hong Kong Disneyland, Ocean Park, Victoria Peak, at iba pang tourist attractions sa nasabing bansa.

“Nu’ng nagpunta ako sa Hong Kong Tourism Board, sabi ko, parang ayaw ko nang ipakita kasi ‘pag pumupunta ang tao sa Hong Kong, iyon (parati) ang pinupuntahan, sabi ko, itong pelikula ay pang OFW (overseas Filipino worker). Hindi pagpunta sa mga ganito (tourist spots) kasi nakita na nila, so mas nandoon ako sa residential part.

Tsika at Intriga

Herlene kay 'Kuya' ng PBB: 'Pasok mo ko, talakan ko lang mga namamlastik kay Ashley!'

“Tapos mayroon isa (lugar) na ginawa kong bahay ng family ni Alden (Richards), in-ocular namin kasi nagustuhan ko, ibang-iba. Sabi ko, may ganito pala ang Hong Kong? Sabi ko sa Hong Kong Tourism, I would like to show that there are places like this in Hong Kong na hindi sikat sa atin kasi akala lang natin puro Disneyland, ‘di ba?

“So, it’s a new take in Hong Kong, sa Cheung Chau Island (matatagpuan sa Southwest of Hong Kong island). Ibang-iba sa busyness ng Hong Kong island. Tumawid kami, nag-ferry (boat) kami,” paglalarawan ng direktora.

Tsinek namin ang sinasabing Cheung Chau Island at medyo malayo nga ito sa city ng Hong Kong dahil kailangang sadyain at may mga kakaibang tanawin nga.

Nabanggit pa na sinadya raw na hindi ipakita lahat sa pelikulang Hello, Love, Goodbye ang mga lugar sa HK, “para kasi akong nagiging travelogue,” sabi pa.

KINILIG SA KATHDEN

Sa tambalang Alden at Kathryn Bernardo ay nabanggit ng screenwriter na si Ms. Carmi Raymundo na may “magic”, pero para sa nagdirek ng Hello, Love, Goodbye, “nagtaka” siya na naging feels niya habang pinapanood ang mga eksena ng dalawa.

“Naku, alam mo naman ako, hindi ako makapag-react sa ganyang kilig-kilig. Pero ito aaminin ko, totoo. Kasi nu’ng nanonood kami, kasi nag-mix kami sa Bangkok (Thailand), so doon ko lang nakita nang buo ang pelikula, may music, may ganyan, ako ang kinilig.

“Taka ako sa sarili ko, ang tagal ko nang hindi kinikilig, eh, sa sarili kong pelikula?” kuwento ng direktor.

Tanong namin, mas kinilig ba siya kaysa sa KathNiel movie?

“Iba kasi, hindi na kilig kina Daniel (Padilla), love ‘yung kanila. Kaya ang Hows of Us ganu’n talaga, kapag tiningnan mo, ‘uy maniniwala ka lang may relationship.

“Ito (Alden/Kathryn) naniwala ako, kasi strangers na na-in love, naniwala akong posible. Ang hirap no’n, especially for a fan ng Daniel, ang hirap na tingnan ang ibang mukha na nai-in love kay Kathryn at si Kathryn, nai-in love ro’n.

“Kasi sa galing ni Kathryn, hindi ko nakita si Kathryn, kaya siguro naging madali sa akin. Si Joy (karakter ng aktres) ang nakita ko, so, posible ma-in love kay Ethan (Alden). Pero kung si Kathryn ‘yun, baka sabihin ko na arte-arte lang.

“Magaling silang dalawa, ako hindi ko alam na ganyan pala si Alden, wala akong expectations, sabi ko lang ‘marunong ‘to’.”

‘FRESH’ NA TAMBALAN

Sa madaling salita, hindi naging choice ni Direk Cathy si Alden sa simula.

“It wasn’t a choice na ako ang nag-suggest, hindi ko kukunin ang credit na ‘yun kasi si Inang (Olive) at Roxy (Liquigan) talaga, pero napa-oo ako kasi na-excite ako na bago, eh.

“Ang kuwento ko (pelikula) strangers, sakto lang na hindi sila nagkatrabaho (pa). Kaya ako mismo ‘anong gagawin ng dalawang ‘to?’ May ganu’n ako (feeling).

“Kami kasi ni Carmi kapag sumusulat (script) alam na namin ‘yun na kapag Daniel ‘to, John Lloyd (Cruz) ‘to, alam namin ang bigay (execution) kasi medyo naka-pattern na.

“E, ito (Hello, Love, Goodbye) walang ipinattern, fresh. So, depende sa kanila kung paano nila bigyan ng buhay ‘yung kuwento, amazing!”

BAGONG BEA-JOHN LLOYD

Sa tingin ba ni Direk Cathy ay mag-ala John Lloyd at Bea Alonzo itong KathDen na masusundan pa ng ilang partnership?

“Ako sana, kasi kapag napanood n’yo, sa inyo manggaling. Tama John Lloyd-Bea, may nagsabi sa akin actually, isang taga-Bangkok na nakapanood na may bagong John Lloyd-Bea na hindi personally involved and yet mayroong on-screen,” pag-amin ng direktor, na naging daan sa pagsikat ng mga pangalan nina Lloydie at Bea.

Mapapanood na ang Hello, Love Goodbye sa Hulyo 31, handog ng Star Cinema, kasunod nito ang ilang international screenings tulad sa UK, Dubai, Los Angeles, Hongkong, Canada at iba pa.

Bukod kina Kathryn at Alden ay kasama rin sa pelikula sina Maymay Entrata, Kakai Bautista, Jeffrey Tam, Lovely Abella, Jameson Blake at Joross Gamboa.

Bago ang lahat ay magkakaroon muna ng Hello Love Goodbye A celebration of Love and Music na gaganapin sa Skydome, SM North Edsa sa July 20, 7:00 pm.

Mabibili ang tickets sa https://ktx abs-cbn.com or call Shine 0999-2228549.

-Reggee Bonoan