Patay ang isang 34-anyos na lalaki matapos umano’y tangkain na magnakaw ng live electrical cables sa Barangay Bahay Toro bago magmadaling araw ng Sabado, Abril 25, ayon sa Manila Electric Company (Meralco).
Dahil sa insidente, nagkaroon ng power outage na nakaapekto sa mahigit 6,000 customer sa lugar.
Agad namang nagsagawa ng pagkukumpuni ang mga tauhan ng Meralco, kaya naibalik ang suplay ng kuryente makalipas ang halos dalawang oras.
Nagbabala ang Meralco hinggil sa panganib ng pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente. Ayon kay Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head of Corporate Communications ng kumpanya, mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong gawain at maaaring magdulot ng matinding pinsala o kamatayan.
“Theft of electrical facilities is dangerous and strictly prohibited,” ani Zaldarriaga, kasabay ng panawagan sa publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa power infrastructure.
Ipinaalala rin niya na sa ilalim ng Republic Act No. 7832, ang mga mahuhuling lalabag ay maaaring makulong ng hindi bababa sa 12 taon at pagmultahin ng mula ₱ 50,000 hanggang ₱ 100,000.
Dagdag pa ng Meralco, maaari ring managot ang sinumang bibili ng ninakaw na electrical materials sa ilalim ng Anti-Fencing Law.
Hinihikayat ng kumpanya ang publiko na agad i-report ang mga insidente sa pamamagitan ng MyMeralco app, opisyal na social media accounts, text hotlines, o sa Meralco hotline.