ALIW ang ginanap na pictorial ng cast ng pelikulang G! sa Zoomburst Studios dahil mukhang may hangover pa ang cast na sina McCoy de Leon, Mark Oblea, Paul Angeles at Jameson Blake sa shooting ng pelilkula nilang idinirek ni Dondon Santos, na produced naman ng Cineko Productions.
In fairness, mukha naman talaga silang mga estudyante pa rin base rin sa mga karakter na ginampanan nila sa pelikula na ang gist ay tungkol sa friendship at coming of age.
Malaki pala ang pagkakaiba ng pagkakaibigan ng mga lalaki at babae, though pareho namang may malalim na samahan. Naikuwento sa amin ang kaibahan nito.
Ang sabi sa amin, kapag magkakaibigang babae, “kapag nagkaroon ng problema ang mga babae, handa namang tumulong ang lahat, pero asahan mo, hindi lahat nakakarating dahil may personal ding inaasikaso like sa pamilya o kaya matatagalan kasi nandidiyang magbibihis pa, mag-aayos pa ng sarili at kung anu-ano pa.
“Unlike ‘pag mga lalaki, kapag nagkaroon ng problema darating kaagad. Hindi sila concerned sa itsura nila, wala silang pakialam at anumang oras darating sila at talagang gumagawa ng paraan para sa kaibigan nila.”
Sabi namin, baka depende rin kasi sa sitwasyon, parang masyadong bias naman ang paghahambing na ito sa magkakaibigang babae’t lalaki, dahil ba tungkol sa magkakaibigang lalaki ang kuwento ng G!?
Pero oo nga, mas maraming adventures ang mga lalaki kumpara sa mga babae at kahit kabilang sa milenyal ay hindi pa rin ganu’n kalakas ang loob ng mga kadalagahan.
Base sa pahayag ni Mark, “proud ako sa movie naming ‘G!’ kasi ‘yung mga kasama ko mga Hashtag member at ABS-CBN artists sila, ako hindi, pero hindi nila ipinaramdam sa akin na iba ako o hindi ako kabilang sa kanila. Nu’ng una medyo kapaan pa, pero during the shoot na, wala na, walwalan na, magulo na.”
May ginawa raw ang grupo sa pelikula na ikaka-shock ng manonood, “Mayroon. Siguro panoorin na lang ‘yung movie,” sabi ni Mark sa amin.
Pa-simple naming tinatanong sa bawat cast kung ano ‘yung ginawa nila pero puro ngiti at tawa lang ang sagot sa amin, secret daw.
Actually, wala sa script ang kalokohang ginawa ng grupo nu’ng nasa Baguio sila, hindi lang namin alam kung isasama ito sa pelikula o baka sa blooper scenes na lang. Kaya pala iisa ang sabi nina Mccoy, Mark, Paulo at Jameson, “unforgettable.”
Talagang unforgettable rin kay Mccoy ang G! dahil first time niyang ginawa sa pelikula ang mga eksena niya rito.
Samantala, habang ginaganap ang G! pictorial ay may dumalaw naman kay Kira Balinger na miyembro rin ng Hashtag at sabay tukso sa dalaga.
Ayaw naming pangunahan si Kira kung ano ang relasyon niya sa Hashtag member na ito dahil nu’ng makausap namin siya nang solo ay itinanggi niyang may boyfriend siya.
As of now ay wala pang playdate ang G! mula sa Cineko Productions.
-Reggee Bonoan