Idiniin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na magiging madugo talaga kung hindi raw makikita ng sambayanan ang katotohanan, sa gitna ng impeachment trial na kinahaharap ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Kaugnay ito sa maiksing pahayag na ibinahagi ni VP Sara nang siya ay tumungo sa Senado noong Martes, Hulyo 7; hindi para dumalo sa impeachment trial, bagkus para suportahan ang kaniyang defense team.
“In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed,” saad ni VP Sara.
Sa ikinasang press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Hulyo 8, iginiit naman ni Usec. Castro na hindi nila mapipigilan ang bise presidente kaugnay sa opinyon nito patungkol sa paglilitis.
“Kung ‘yon po ang kaniyang iniisip at kaniyang opinyon ay hindi naman natin siya mapapahinto sa kaniyang pagsasalita patungkol dito,” ani Usec. Castro.
“Magiging madugo talaga ‘to kung hindi makikita ng taumbayan ang katotohanan; at ‘yan naman ang hinahanap ng ating mga kababayan—malaman ano ba talaga ang mga katotohanan sa mga ibinabato sa kaniya,” dagdag pa niya.
Sa parehong press briefing, tila nagpahayag ng tuwa ang press officer kasunod ang “bloodbath” at “bludgeoning” remark ng Pangalawang Pangulo.
Aniya, may naging basehan si VP Sara sa kaniyang mga tinuran.
“Nadinig po natin ang kaniyang binanggit; at sa ating palagay, marami rin namang natuwa na siya ay pumunta sa Senado at nabanggit ang kaniyang mga kataga dahil sa—’di natin alam kung sa unang pagkakataon ba ‘to—ay nagkaroon siya ng basehan sa kaniyang sinabi,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Ating nadinig at napanood noong sinabi niyang ‘in this bloodbath, in this bludgeoning, I will be blooded but unbowed.’ So, mayroon siyang naging basehan.”
“So, ikinatuwa natin na sa ngayon ay may nagiging basehan na si bise presidente ng kaniyang mga sinasabi,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Usec. Castro, ikinatuwang may basehan pahayag ni VP Sara na hango sa tulang 'Invictus'-Balita
Hango ang naging pahayag ng bise presidente sa tulang “Invictus” ng English poet na si William Ernest Henley—na pinaniniwalaang isa umano sa pinakapaboritong tula ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
MAKI-BALITA: 'Bloodied but unbowed' ni VP Sara, hango sa paboritong tula ni FPRRD-Balita