July 15, 2026

Home BALITA Politics

Usec. Castro, ikinatuwang may basehan pahayag ni VP Sara na hango sa tulang 'Invictus'

Usec. Castro, ikinatuwang may basehan pahayag ni VP Sara na hango sa tulang 'Invictus'
Photo courtesy: RTVM/YT


Tila masaya si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa maiksing pahayag na ibinahagi ni Vice President Sara Duterte noong Martes, Hulyo 7 sa Senado.

Matatandaang nagpakawala ng isang maiksing pahayag si VP Sara nang ito ay humarap sa media kahapon.

Aniya, “In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”

Matapos nito, agad siyang umalis at hindi na dumiretso pa sa ikalawang araw ng kaniyang impeachment trial; sapagkat tumungo lamang ito sa naturang lugar upang suportahan ang kaniyang defense team.

“Nadinig po natin ang kaniyang binanggit; at sa ating palagay, marami rin namang natuwa na siya ay pumunta sa Senado at nabanggit ang kaniyang mga kataga dahil sa—’di natin alam kung sa unang pagkakataon ba ‘to—ay nagkaroon siya ng basehan sa kaniyang sinabi,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Hulyo 8.

Aniya, “Ating nadinig at napanood noong sinabi niyang ‘in this bloodbath, in this bludgeoning, I will be blooded but unbowed.’ So, mayroon siyang naging basehan.”

“So, ikinatuwa natin na sa ngayon ay may nagiging basehan na si bise presidente ng kaniyang mga sinasabi,” dagdag pa niya.

Giit pa niya, si VP Sara naman daw ang gusto ng isang bloodbath.

“Well, anyway, feeling niya na bloodbath ito. Alam naman natin na ito ang kaniyang hiniling. Siya mismo ang nagnanais ng isang bloodbath,” aniya.

“Sa kaniyang maiksing salita kahapon ay wala pa rin tayong nadinig na pagtanggi sa mga akusasyon na ibinabato laban sa kaniya,” giit pa niya.

Anang press officer, ito raw ay isang estratehiya mula sa legal defense ni VP Sara, at hindi pa naman daw kinakailangan ang presensya ng Pangalawang Pangulo sa naturang paglilitis.

Hindi naman din daw nila mapipigilan ang bise presidente kung sa tingin nito ay “bloodbath” at “bludgeoning” ang impeachment trial laban sa kaniya.

“Kung ‘yon po ang kaniyang iniisip at kaniyang opinyon ay hindi naman natin siya mapapahinto sa kaniyang pagsasalita patungkol dito,” anang press officer.

“Magiging madugo talaga ‘to kung hindi makikita ng taumbayan ang katotohanan; at ‘yan naman ang hinahanap ng ating mga kababayan—malaman ano ba talaga ang mga katotohanan sa mga ibinabato sa kaniya,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Kaugnay sa binitawang pahayag ni VP Sara, ito ay hango sa tulang “Invictus” ni English poet William Ernest Henley.

Sinasabing isa umano ito sa pinakapaboritong tula ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

MAKI-BALITA: 'Bloodied but unbowed' ni VP Sara, hango sa paboritong tula ni FPRRD-Balita