Patay ang isang 22-anyos na babae nang barilin umano ng ama nito habang sila ay nag-aaway sa kanilang bahay sa Barangay Calindangan, Dumaguete City, Negros Oriental, nitong Linggo ng hapon.
Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si April May Ege dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo.
Kaagad namang dinampot ang suspek na si Staff Sgt. Levi Ege, 54, nakatalaga sa Dumaguete Police Headquarters, matapos ang insidente.
Ayon kay Dumaguete Police chief, Lt. Col. Gregorio Galsim, umuwi lamang ang suspek upang mananghalian nang biglang magtalo ang mag-ama sa hindi malamang dahilan, hanggang sa humantong sa insidente.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang basyo ng bala ng cal.9mm pistol.
Depensa naman ng suspek, aksidente lamang ang nangyari.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap pa sa kasong parricide ang suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.
-Glazyl Masculino at Fer Taboy