Binabantayan ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command ang ilang pulitiko sa Sulu kaugnay ng ulat na sinusuportahan umano ng mga ito ang operasyon ng Abu Sayyaf sa lalawigan.
Ito ang ibinunyag ngayong Sabado AFP-WestMinCom Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana nang dumalo siya sa paglulunsad ng “Up-Up Zamboanga” sa 3rd Air Division ng Philippine Air Force (PAF) sa nabanggit na lungsod.
“We have received similar report that some of these politicians in Sulu are supporters of the Abu Sayyaf Group but we have no prove or evidence against them that they are,” paliwanag ni Sobejana.
Tiniyak niya na idiidiin nila sa kaso ang mga nasabing pulitiko kung mapapatunayang sumusuporta ang mga ito sa grupo ng bandido.
Paliwanag niya, pangunahing problema sa lalawigan ang kahirapan, socio at economic development na ugat ng rebelyon, hindi lamang sa Sulu, kundi pati na rin sa iba’t ibang lalawigan.
Naniniwala si Sobejana na ang paggamit ng “holistic approach” ay isa sa pangunahing solusyon upang tuluyang mawala ang mga bandido sa naturang lalawigan.
Aniya, hindi pa rin nareresolba ang problema sa terorista sa lugar kahit ginamitan na ito ng government resources, katulad ng mga armas at sundalo.
“Kami dito sa AFP-WestMinCom that covers four regions will do our job following the rule of law with the due respect to human rights and strictly adhere with the provision of international humanitarian law,” sabi pa niya.
Nonoy E. Lacson