Sinabi ng Malacañang na nananatili ang pananagutan ng mga mangingisdang Chinese na nag-abandona sa 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank noong nakaraang buwan, kahit pa lumalabas sa paunang report na parehong may kasalanan sa insidente ang magkabilang panig.

‘RECTO 22’ Ang 22 mangingisdang Pinoy na nasangkot sa Recto Bank incident sa West Philippine Sea noong Hunyo 9, 2019.

‘RECTO 22’ Ang 22 mangingisdang Pinoy na nasangkot sa Recto Bank incident sa West Philippine Sea noong Hunyo 9, 2019.

Ito ang inihayag ngayong Huwebes ni Presidential Spokesman Salvador Panelo makaraang sabihin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. nitong Miyerkules na ang natuklasan sa imbestigasyon ng ating gobyerno sa insidente ay “doesn't paint our fishermen in the brightest lights”.

“I got the Coast Guard report immediately... Our investigation was finished. It was exhaustive. It's not, I got to tell you, it doesn't paint our fishermen in the brightest lights,” sinabi ni Locsin sa panayam sa kanya ng ANC.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

“They had no lookout, even the enemies of the President says you need an assigned lookout. They didn't... Everybody was asleep,” paliwanag ni Locsin.

Ayon sa kalihim, may maliit na ilaw ang kusinero ng bangka ng mga mangingisda, pero hindi matukoy kung sapat ang liwanag nito upang mabigyang babala ang bangka ng mga Chinese.

MANANAGOT

Sa kabila nito, tiniyak ni Panelo na hindi naman nababawasan ang pananagutan ng mga dayuhang mangingisda sa nangyari.

“Ah hindi. Bakit naman madi-diminish kung iniwan nila to the wilds? Maaari ba'ng hindi sila liable doon?” ani Panelo.

“They have to justify their action. The only justification would be their lives would be endangered. Eh hindi naman, I don't think so.”

NAPINSALANG BAHURA

Kaugnay nito, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang pamahalaan sa napaulat na pagkasira ng coral reefs sa West Philippine Sea, na isinisisi sa reclamation works ng China at ilegal na pangingisda sa lugar.

Sinabi ni Panelo na dapat na beripikahin ng mga kinauukulang ahensiya ng ating gobyerno ang umano’y mga napinsalang yamang-dagat sa Panatag Shoal at Spratlys Island, batay sa ulat ng mga lokal na marine scientists.

Una nang nagbabala ang isang grupo ng mga marine scientist na ang pangingisda at reclamation works ng China sa West Philippine Sea ay nagdudulot ng P33 bilyon halaga ng pinsala kada taon, sa reef ecosystem ng bansa.

-Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn D. Kabiling