Patay ang walong katao habang 15 iba pa ang sugatan nang tumaob at magpagulung-gulong ang isang pampasaherong bus sa North Luzon Expressway sa Gen. T. De Leon sa Valenzuela City, nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ni P/CMS Chandiu M. Nambio, ng Vehicle Traffic and Investigation Unit (VTIU), kay P/Col. Carlito M. Gaces, kinilala ang mga nasawi na sina Leo Victorino, 38, ng No. 132 Ibaba, Tabing Bakod, Sta. Maria, Bulacan; Jennifer Fernandez, 32, ng No. 7 KJJ Street, Barangay East, Quezon City; Joan Salcedo Garcia, ng Cainta Rizal; Mary Grace Alvarez; Maria Paza Mariano; Zeus Lapig; at dalawa pang lalaki na patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan.
Sugatan naman sina Cherilyn Del Rosario, 23; Michael Abogadie, 28; Nikki Agustin, 27; Arjay Mark Mallari, 31; John Patrick Gayon, 10; Justice Gayon, 10; Niel Bryan Antonio; Jayvie Arrosgado; Leonila Hermogenes; Rafael Moran Giro; at Rhedel Lucas, na pawang isinugod sa Valenzuela City Medical Center, Manila Central University Hospital, at Quezon City Hospital.
Sa imbestigasyon ni PCMS Nambio, mula sa Sta. Maria, Bulacan ang Buenasher Transport (AGA-8610), na minamaneho ni Victoriano De Los Reyes, 39, taga-Sta. Maria Bulacan, at kinalululanan ng 30 katao, at patungong Cubao, Quezon City, dakong 7:15 ng gabi.
Malakas umano ang ulan noong oras na iyon, at pagsapit sa RM 12+ 800 South Bound NLEX, Barangay Gen. T. De Leon, nag-over take umano si De Los Reyes sa Izusu Crosswind (7GG-985), na minamaneho ni Marvin Joseph Sipat Giron, 32, ng No. 111 Medina St., Bgy. 52, Ipil, San Antonio, Cavite City.
Nasagi umano ng bus ang likurang bahagi ng sasakyan ni Giron kaya kumabig pakaliwa ni De Los Reyes, ngunit dahil basa ang kalsada ay bualiktad at nagpagulung-gulong ito.
Tumama ang hulihang bahagi ng bus sa steel barrier sa gilid ng NLEX, at agad nasawi ang mga pasaherong sakay sa likod.
Hindi naman nasaktan ang mga nakasakay kay Giron.
"Sabi po ng mga pasahero talaga daw mabilis ang takbo ng bus at zero visibility ang daan kasi ang lakas ng ulan," ani Col. Garces, na agad rumesponde sa lugar.
Nilalapatan ng lunas sa Valenzuela Medical Center si De Los Reyes, na nahaharap sa mga kasong reckless imprudence in resulting to multiple homicide, multiple serious physical injuries at damage to property.
Samantala, ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Buenasher Transport Corporation na agad na suspendehin ang operasyon nito dahil sa insidente.
"The LTFRB directed the operator [of Buenasher Transport] to immediately suspend operation pending investigation," ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra III.
Ayon kay Delgra, mag-iisyu rin sila ng preventive suspension order (PSO) sa franchise ng kumpanya na binubuo ng 19 units, na may rutang Santa Maria-NLEX-Cubao via EDSA.
"We have sent people to investigate the road crash. The insurance company is also directed to get their people on the ground to initiate processing of insurance benefits of victims," sinabi ng LTFRB chief.
Orly L. Barcala at Alexandria San Juan