SA latest photo na ipinost ni Derek Ramsay sa Instagram ay makikita ang anak niyang si Austin.
Birthday kasi ng binatilyo, at binati ito ng aktor: “Happy, happy birthday buddy. Im so thankful to have you in my life. Enjoy your birthday and enjoy Dubai. Love you mate.”
Naalala namin ang kuwento ni Derek sa presscon ng The Better Woman tungkol sa bahay na ipinapagawa niya para sana sa kanila ng ex-GF na niyang si Joanne Villlablanca. Nabanggit niyang may kuwarto na sa nasabing bahay ang anak niyang si Austin, at ang anak ni Joanne na si Sophia.
“It’s a huge house, with seven bedrooms for all of us. May master bedroom, room for Austin, room for Sophia, guest room, room for the househelps and two other rooms,” sabi ni Derek.
“Now, I don’t know what I’m gonna do with the house.”
Unresolved problems daw ang rason ng break-up nila ni Joanne, na ini-ignore nila rati hanggang sa lumaki at umabot na nga sa punto ng hiwalayan.
Nilinaw din ni Derek ang lumabas na blind item sa isang blog na pinalayas daw niya si Joanne sa bahay kung saan sila nagsasama.
Ang usapan nila, habang nasa La Union siya para sa taping ng The Better Woman, saka aalis sa bahay nila si Joanne para pagbalik niya ay wala na ito.
“Akala lang ng tao hindi ako nasasaktan dahil tahimik lang ako. Pero hindi madali ang break up, and I’m hurt and I’m sad,” ani Derek.
“In the privacy of my home with my friends and family, doon ko sinasabi ang nararamdaman ko. Sophie is someone special to me and I’m used to seeing her, she’s not my daughter but I love her like my own.
“Hindi lang si Joanne ang nawala sa akin, pati si Sophie,” malungkot na sabi ni Derek.
Napansin naman namin nanapangiti si Derek nang tanungin tungkol sa tsikang si Andrea Torres, na katambal niya sa The Better Woman, ang rason ng break-up nila ni Joanne.
Paglilinaw ni Derek, walang kinalaman si Andrea, at nataon lang na kung kailan nila ginagawa ang sexy drama series ng GMA-7—na mapapanood na sa Lunes after ng Sahaya—saka sila naghiwalay ni Joanne.
Nag-sorry na si Derek kay Andrea, na hindi naman daw siya masisisi na naba-bash ang aktres.
Patuloy din daw ang magandang working relationship nila, at walang problema si Direk Mark dela Cruz, dahil lahat ng eksena na ipinapagawa sa kanila ay nagagawa naman nila ni Andrea.“Andrea is very professional. All work lang talaga. At sa first taping day namin, I approach her para mas makilala siya.
“Sa TVC shoot at taping lang kami nagkita, but I texted her before that at sabi ko, excited ako to work with her and she answered that she’s also excited. We have a good working relationship,” wika ni Derek
-NITZ MIRALLES