Walang dapat na ikabahala ang mga atleta.

Ito ang paniniguro ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon Fernandez, sa gitna ng kaguluhan na nagaganap sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ilang buwan bago ang hosting ng 30th SEA Games sa Nobyembre.

Ayon sa PBA great na si Fernandez, ang kailangan lamang gawin ngayon ng mga atleta ay ang pagtuunan ng pansin ang kanilang pagsasanay at hayaan na lamang ang mga opisyales na ayusin ang kanilang sariling gulo.

“Just focus on their preps and leave the politicking to the old foggies! Train to their best abilities to make the national team, as the PSC is closely monitoring and assessing their performances!” pahayag ng tinaguriang “El Presidente” ng PBA sa panayam ng Balita.

Hindi umano maapektuhan ng naturang krisis sa liderato ng POC ang preparasyon ng bansa para sa nasabing biennial meet, gayung may malinaw na mandato sa PSC si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag pababayaan ang mga atleta at ituloy ang hosting.

Lifetime fuel incentive ni Hidilyn Diaz, 'drawing' lang?

“Wala, (epekto sa preparation ng SEA Games), we are talking to the NSAs and will be meeting the athletes on July 5, assuring them that PSC with instructions from PRRD will take care of all their needs to prepare for the games,” ani Fernandez. “ The problem of poc is internal! PSC WILL DEAL WITH THEM AFTER THE SEAG!” aniya.

Kamailan ay nagbigay ng pahayag si PHISGOC chirman Allan Peter Cayetano na hindi na umano ipapaubaya sa POC ang pamamahala para sa preparasyon ng SEA Games.

Nilinaw ni Fernandez na hindi kasali ang PSC sa anumang kaguluhan na namumuo sa pagitan ng POC at PHISGOC Foundation, gayung ang papel umano nila ay protektahan ang pondo na para sa preparasyon ng mga atleta.

“That’s between POC and PHISGOC Foundation. Hindi kami kasali sa gulo nila! Our responsibility is to make sure government funding is protected!” ayon pa kay Fernandez.

-ANNIE ABAD