LEGAZPI CITY – Hindi na pinaporma ni Dutch national Jeroen Meijers ng Taiyuan Moigee ang mga karibal kahit hindi na pagharian ang ikalima at huling stage para makopo ang overall championship sa 2019 Le Tour de Filipinas dito.
Tangan ang kabuuang oras na 20:38.07, nasungkit ni Meijers ang overall championship sa Individual General Classification ng UCI 2.2 category race na nagsimula sa Tagaytay City at natapos dito.
Malaki ang naging tulong umano ng kanyang koponan upang mapanatili niyang hawak ang liderato buhat sa unang yugto hanggang sa matapos.
“We were all together and I am very thankful because they helped me all throughout the race,” pahayag ng 26-anyos na si Meijers.
Ito umano ang kanyang ikalawang pagkakataon na makakuha ng overall championship sa cycling at sigurado umano siya na babalik siya sa susunod na taon para muling lumahok sa naturang karera.
Si Marcelo Felipe naman ng Team 7-eleven ang tinanghal na Best Filipino Rider sa nasabing torneo, matapos siyang manatili sa kontensyon ang manguna sa mga Pinoy.
Samantala, pinagwagian naman ng Stage 2 winner na si Mario Vogt ng Team Sapura ang stage 5 sa kanyang 3:33.34 sa orasan, kasunod ang Pinoy na si Dominic Perez ng Team 7-eleven sa kanyang 3:34.41 sa orasan habang si Saleh Mohd Zemri naman ang pumangatlo sa parehong oras ngunit nagkatalo sa puntos ng bonus kung saan may 9 na puntos ang ikalawa at 7 naman sa ikatlo.
Ang ika-10 edisyon ng Le Tour de Filipinas ay inorganisa ng Air21 sa pakikipagtulungan ng PNP, AAFP at DRRMO.
-Annie Abad