LEGAZPI CITY, ALBAY -- Sa ikalawang pagkakataon, nanaig ang lahi ng mga Australiano nang pagharian ang 176km Stage 4 ng 2019 Le Tour de Filipinas mula dito patungong Sorsogon City, Casiguran at pabalik sa finish line.
Nanguna si Jesse Coyle ng Team Nero Bianchi, kakampi ng Stage 3 winner Samuel Hill, sa naitalang oras na 4:28.41 kung saan nakuha niya ang unang UCI win sa kanyang paglahok sa ikalawang pagkakataon.
“This is my first UCI win for my second attempt. I am very happy because and I am sharing this with my teammates,” pahayag ng 24 anyos na si Coyle na tubong Sydney Australia.
Samantala, ang pambato ng team Sapura Cycling na si Mohd Shukri Muhammad Shaiful Adian ay tumapos kaparehong oras bagama’t nagkatalo sila sa bonuses at penalty points, kung saan 16 puntos ang natipon ng una kontra sa 12 puntos ng pangalawa.
Pumuwesto naman sa ikatlo ang bida noong Stage 2 na si Mario Vogt ng Team Sapura sa kanyang 4:29.13 oras upang kumpletuhin ang top 3 riders ng nasabing yugto ng karera.
Sa kasamaang palad, bigo na makapasok sa top 3 ang mga Pinoy riders bagma’t si Aidan James Mendoza ang itinanghal na Best Filipino Rider, habang suot pa rin ni Jeroen Meijers ng Taiyuan Moigee cycling Team ang Purple Jersey bilang Individual General Classification.
Buhat sa Legazpi City, binaybay ng mga siklista ang Daraga, Sorsogon City patungo sa Casiguran pabalik ng Legazpi City upang kumpletuhin ang karera sa event na may basbas ng UCI 2.2 Category sa pagoorgnisa ng Air21 at pakikipagtulungan ng PNP, AFP at DRRMO.
-Annie Abad