INILUNSAD ng Bulacan Police Provincial Office ang Kaligtasan at Kalikasan (Kaligkasan) volunteer program na layuning isulong ang proteksiyon at pangangalaga sa kalikasan sa mga dumarayo sa probinsiya.
Pinangunahan ni Police Col. Chito G. Bersaluna ang paglulunsad ng programa, na idinaos sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, sa lungsod ng Malolos, sa Bulacan kamakailan.
Pinangunahan din ni Bersaluna ang mass oath-taking ng mga Kaligkasan volunteers na nagmula pa sa iba’t ibang munisipalidad at siyudad sa Bulacan, na nangakong iaalay ang sarili upang maging tagapangalaga ng kalikasan.
“The Kaligkasan program is a project of the Philippine National Police (PNP), which taps local volunteers and mobilizes them as force multipliers to complement the existing tourist-oriented Police for Community Order and Protect personnel in the enforcement of the environmental laws in the different tourist destinations in Bulacan,” pagbabahagi ni Bersaluna sa seremonya.
Sa kanyang pahayag, sinabi niyang nangako ang mga volunteers na magbibigay ng halaga sa kalikasan at tutulong sa pagbibigay ng seguridad sa mga turista na dumarayo sa probinsiya mula sa iba’t ibang bayan at siyudad.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad ng programa sina Col. Rhoderick A. Armamento, deputy regional director para sa operation ng Police Regional Office 3 (Central Luzon); Arthur Salazar, assistant director ng Department of Environment and Natural Resources 3; at Elizabeth Apresto, ng Bulacan Environment and Natural Resources Office.
Ayon kay Armamento, ang pangangalaga at konserbasyon sa kalikasan ay isang tungkulin para sa lahat at sama-samang responsibilidad para sa mga ahensiya ng pamahalaan na may tungkuling protektahan at pangalagaan ang mga likas na yaman ng bansa.
“Hand in hand, we endeavor to safeguard Mother Nature so future generations will still be able to experience its beauty and abundance,” aniya.
PNA