NABULAGA na naman ang riding community dito sa bansa matapos na maglabas ng bagong kautusan si Land Transportation Office (LTO) chief Edgar Galvante, na hulihin ang lahat ng motorsiklo na may tambutsong nakaririndi.
Mahigpit ang tagubulin ni Galvante sa paghuli sa mga pasaway na rider na bukod sa maingay ang tambutso ay sobra pa kung magrebolusyon na tila naghahamon palagi ng karera.
Tuwing umaga, halos mayanig ang buong barangay sa sobrang ingay kapag pinaaandar na ang makina ng mga motorsiklong may open pipe. Walang konsiderasyon ang mga rider na ito.
Ang dapat sa inyo ay itapat ang ulo sa tambutso ng motorsiklo n’yo para kayo mismo ang marindi sa sarili niyong sasakyan.
Nakaka-stress, ‘di ba?
Marahil ay napansin n’yo na rin na ilang mga business district sa Maynila ang nagbabawal sa mga motorsiklo na may maingay na tambutso na pumasok sa kanilang teritoryo.
Kabilang dito ang Bonifacio Global City sa Taguig kung saan sa bawat entry point nito ay may mga tarpaulin na nasasabing bawal pumasok ang maiingay na motorsiklo.
Sa tabi ng tarpaulin, ang mga guwardiya na nakaalerto sa mga papasok na motorsiklo kaya walang-kawala ang mga pasaway na rider.
Bakit pinapayagan pa rin ang mga ito na magkabit ng maiingay na tambutso?
Itinalaga ng Land Transportation Office (LTO) ang limit o hangganan sa exhaust system sound level sa 115 decibel. Kung tutuusin, masyado pang maluwag ang ating gobyerno dahil sa ibang bansa, katulad ng Estados Unidos, nasa 80 decibel lang ang exhaust sound limit ng mga sasakyan.
Bakit tinatangkilik ito ng ibang pasaway na rider bagamat ang maingay na tambutso ay nakadaragdag sa stress level ng mga rider, lalo na kung malayo ang biyahe.
Nakaaawa rin ang mga rider na nakabuntot sa motorsiklong may maingay na tambutso dahil sila lahat ang nakakasalo ng nakaririnding ingay.
Ang noise pollution ay isa sa mga pinagmumulan ng karamdaman, hindi lamang sa pandinig ng tao ngunit maging sa kondisyon ng puso nito dahil sa stress.
Subukan niyong sumunod sa isang sasakyang maingay ang tambutso at pihadong sasakit ang ulo niyo sa ingay.
Paano kung araw-araw ay ganito na lamang ang gumigising sa inyo dahil sa isang kapitbahay na rider na walang konsiderasyon.
Salamat kay LTO chief Galvante, na umaksiyon upang mabawasan ang maiingay na motorsiklo.
Sana naman ay hindi ito ningas-cogon lang.
-Aris Ilagan