Kapwa sugatan ang mag-ama matapos na barilin ng nakagitgitang tricycle driver sa Las Piñas City, nitong Miyerkules.
Inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) sa isang ospital si Marlou Baisa, 53, Grab driver, ng No. 5 Magnolia Street, Doña Manuela Subdivision, Barangay Pamplona 3, Las Piñas City, dahil sa ilang tama ng bala sa katawan.
Nilalapatan din ng lunas sa ospital ang kanyang anak na si Justine Baisa, 24, dahil sa tama ng bala sa hita.
Tinutugis naman si Akmad Abubakar, 38, ng No. 49B Doña Manuela Avenue, Doña Manuela Subdivision, Bgy. Pamplona 3 sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente sa kahabaan ng Doña Manuela Avenue, Doña Manuela Subdivision, Bgy. Pamplona 3, bandang 3:45 ng hapon.
Nagkagitgitan ang multi-purpose vehicle (MPV), na minamaneho ni Justine, at ang delivery tricycle, na minamaneho ni Abubakar, at nauwi sa pagtatalo.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik si Justine kasama ang kanyang ama subalit armado ng baril ang suspek at pinagbabaril ang matandang Baisa.
Nabaril naman sa hita si Justine, bago tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.
Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng awtoridad sa kaanak ng suspek, upang kumbinsihin si Abubakar na sumuko at harapin ang kasong frustrated homicide.
-Bella Gamotea