KARAMIHAN sa ating mga kababayan ay nahihibang sa online shopping, isa na ako roon, kaya maraming nagiging biktima ng mga “online scammer”, na naglipana sa social media, e-mail, at iba pang Internet site.
Ngunit kadalasan, kahit na nabiktima na ng mga manloloko, wala kaming kadala-dala at patuloy pa rin sa aming nakaaadik na bisyong, na usung-uso ngayon.
Sa tindi ng trapik na susuungin bago makarating at makapag-shopping sa mga mall, sa hirap maghanap ng parking at mahal ng gasolina – at lahat kasi ngayon halos naka-smart phone na – mas maalwan nang mag-online shopping, ‘wag ka lang mai-scam!
Ang hilig ko sa mga gadget ang dahilan kaya madalas akong mabiktima ng mga online scammer, na kadalasan ay may mga website na nakatutulo ng laway ang mga video ng mga produktong ibinebenta. Hindi ito cash on delivery o COD kundi bayad muna bago deliver, sa pamamagitan ng credit card, debit card at bank transfer. Karamihan sa mga scammer na ito ay naka-base sa ibang bansa at ang prominenteng mga manggagantso ay taga-Nigeria!
May dokumento ako ng isang malalim na imbestigasyon hinggil sa sindikadong ito ng mga Nigerian, na rito na nakatira sa Pilipinas.
Magpapaalam lang muna ako sa imbestigador na gumawa nito – isang matinik na retiradong opisyal ng PNP –upang maiditalye ko sa in-depth report ang mga “modus operandi” ng grupong ito. Abangan ninyo ito!
Dati nang may batas para rito, ang RA 8484 na tinatawag na “Access Devices Regulation Act of 1998”, subalit hindi nito saklaw ang mga panloloko na nagaganap ngayon sa social media. Ang tinutumbok lamang nito ay ‘yung mga panloloko na ang nahahagip ay malalaking negosyo gaya ng mga bangko at iba pang financing institution.
Ngunit ‘di pa rin kasama rito ang tinatawag na -- “hacking to include automated teller machine (ATM) fraud through skimming, hacking of the banking system, counterfeiting of credit or debit card.”
Kaya naman natuwa ako nang malaman kong may inihaing amiyendana para sa RA 8484 – ang House Bill 6710 -- na magbibigay proteksiyon sa mga online shopper, at mabigat na parusa naman sa mahuhuling “online scammer” na nagkalat sa Internet.
Sa bagong batas na ito, kapag ipinatupad na, ay maidedeklara na ang hacking at scamming bilang – “form of economic sabotage, punishable by life imprisonment and a fine of up to P5 million.”
Ipinaliwanag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, kung bakit lubhang kailangan na ang batas na ito: “The rapid development of information technology and the economic impact of financial fraud and crimes committed through the use of electronic devices and gadgets necessitate the need to provide more teeth to RA 8484.”
Dagdag pa ni Sen Chiz: “The mere possession of any type of skimming devices or even attempts to access an application or online banking account, regardless of whether or not it will result in monetary loss to the account holder, will now be punishable with imprisonment.”
Ang nakikita ko naman na pinakasimpleng proteksiyon ng mga online shopper laban sa mga online scammer – habang hindi pa naipapatupad nang tuluyan ang batas na ito -- ‘wag na munang bumili kapag hindi COD.
Ngunit kung gusto talaga ang item, siguruhin muna na ang online seller ay respetado at kilala na sa online shopping business o kaya naman ay i-Google muna bago pagkatiwalaan. Sabi nga sa ad ng paborito kong TV station na GMA7 – “Think before you click!”
Mag-text at tumawag sa Globe:
-Dave M. Veridiano, E.E.