GAGAMPANAN ni Rosanna Roces ang karakter ni Vilma sa pelikulang Panti Sisters bilang ina ni Christian Bables na base sa kuwento ng aktres ay nakakaaliw dahil luka-lukahan sila ni Carmi Martin bilang si Nora naman, na ina naman nina Paolo Ballesteros at Marin del Rosario.

Kuwento ni Osang, “mag-start palang kami mag-shoot at nakakatawa ang kuwento lalo na ‘yung kami ni Carmi, abangan mo ‘yun.

“Kabit ako dito ni Emilio (John Arcilla) na alam mo ‘yung naka-rebond ang buhok ko pero nangungulot sa ibaba. Tapos naka-branded bag pero peke. Mga ganu’n ang drama ko.”

Sobrang nagpapasalamat si Osang kay Direk Perci M. Intalan dahil isinama siya sa pelikula at entry pa sa ikatlong taon ng Pista ng Pelikulang Pilipino.

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

“’Di ba may crowd naman ang PPP? Excited ako,” saad pa ng aktres.

Kaya natanong ni Osang kung may crowd ang PPP dahil first time niyang mapapasama sa mainstream, dahil karamihan ng pelikulang ginagawa at nagawa na niya ay pawang indie.

Isa pang masayang ibinalita ng aktres ay hanggang Setyembre pa ang Los Bastardos na napapanood sa ABS-CBN bago mag TV Patrol.

“Ang saya ‘di ba, almost one year na ang ‘Los Bastardos’. Umere siya October last year. Laking tulong sa akin ang show, alam mo na. Kaya nga nag-iipon ako, eh,” kuwento sa amin ni Osang.

Ang ipinapanalangin lagi ni Osang ay ang nanay niya na labas-pasok sa ospital.

“Matanda na si nanay, Reg, hindi na nakakalakad, nasa wheelchair na at naka-diaper na. Dumating ‘yung time na kakalabas lang ng ospital, ipinasok ulit. Hirap talaga ‘pag sakit sa puso,” kuwento pa niya sa kabilang linya.

Bigla namang sumaya ang tinig ng aktres nang kumustahin namin ang apo niyang si Gab Revilla, na guwapo na ay may taas pang 5’9.

“Sabi niya, dadalaw siya sa akin sa 28. Hindi ko siya kinukulit kung kelan siya dadalaw kasi nagba-basketball. Nababaliw sa basketball, e, nakakatuwa nga, ang tangkad, feeling ko tatanggkad pa ‘yun kasi nababanat sa kalalaro, 14 years old palang,” masayang kuwento ng proud lola.

Oo nga, ang tangkad ng anak ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla, “sa akin nagmana,” tumawang biro ni Osang.

Dagdag pa, “Malambing ang apo kong ‘yun, sobra. Actually lahat naman ng mga apo ko malalambing. Si Gab malambing din ‘yun kay Grace.”

Tungkol naman sa pagkapanalo ni Senator Bong Revilla, “alam ko namang mananalo si Bong, maraming nagmamahal sa kanya halata naman.”

Maging sina Bacoor Mayor Lani Mercado ay alam ding mananalo si Bong katulad ni Vice Governor Jolo.

Hiningan din namin ng komento si Osang tungkol kay Jimmy Bondoc sa maanghang nitong komento sa ABS-CBN.

“Naku, ayaw ko siya patulan, dapat hindi na lang siya pinatulan, ikinasikat pa niya tuloy,” sambit ng aktres.

Samantala, planong magpapayat ni Osang dahil may pinaghahandaan siyang project at ipinaayos na rin niya ang ngipin niya.

“Isa-isa kong ipinaayos ang ngipin ko kasi hindi naman puwedeng isang upuan lang, mahabang oras ang kailangan, e, alam mo namang abala rin ako. Abangan mo, ivory ang papakabit ko, gaganda na ‘yan,” masayang sabi pa sa amin.

-Reeggee Bonoan