PUNO na ang salop, dapat ng kalusin.

VARGAS: ‘Lack of trust and confidence'

VARGAS: ‘Lack of trust and confidence'

Sa isang pambihirang aksiyon na nagpapakita ng pagiging isang tunay na lider, pinagulong ni Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas ang ‘ulo’ ng ilang opisyal ng Olympic body sa hangaring maisulong ang tunay na reporma.

Matapos ang kanyang litanya sa ginanap na POC General Assembly meeting kahapon sa Max Restaurant sa Pasig City, ipinahayag ni Vargas ang pagbalasa sa ilang mahahalagang tungkulin kasabay ang panawagan para sa maagang halalan upang matuldukan ang aniya’y gusot at pagkakahati sa POC.

Sinibak ni Vargas si Richard Bachmann ng Squash Rocket bilang head ng membership committee at ipinalit si Lucas Maneguelod ng Muay Association, habang pinatalsik si Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang chairman ng Constitutional Amendments at ipinalit si Al Agra ang kasalukuyang POC legal counsel.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Pinalitan din ni Vargas sina Monsour del Rosario ng taekwondo at Jose ‘Joey’ Romasanta bilang Chef of Mission ng 2019 Manila SEA Games at 2020 Tokyo Olympics, ayon sa pagkakasunod.

Pangangasiwaan ang paghahanda ng atletang Pinoy sa SEA Games sa Nobyembre ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, habang si POC Chairman Bambol Tolentino ang sasagwan sa kampanya ng bansa sa quadrennial meet sa susunod na taon.

Ayon kay Vargas ang desisyon na irigodon ang POC ay bunsod ng “lack of trust and confidence”.

Bunsod ito nang isinagawang POC Executive meeting na lingid sa kanyang kaalaman nitong Abril 30 na nilahukan nina International Olympic Committee (IOC)representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski, anak ni Peping, Bachmann, Charlie Ho at Frank Elizalde.

Kasama rin sina Romasanta, POC second VP Jeff Tamayo, POC treasurer Julian Camacho, POC auditor Jonne Go, at Clint Aranas.

Ikinairita rin ni Vargas ang tila pakikialam ni Cojuangco-Jaworski kung kaya’t ipinahayag niyang susulatan niya ang IOC hingil dito.

“My understanding is, she is part of the POC Board to protect the interest of the IOC and the Olympic Programme. Not to interfere in internal conflict,” matigas na pahayag ni Vargas.

“I have been insulted, vilified and demeaned through insinuation, innuendo and downright misrepresentation of facts,” sambit ni Vargas patungkol sa mga pahayag ng kanyang kritiko.

“I will not allow the POC to be dragged down by the very people who caused the miserable performance of team Philippines in the recent past. I will not allow people who have mismanaged PO for more than a decade to throw us back to the Dark Ages,” aniya.

Ang desisyon ni Vargas ay kinakailangan ng ayuda ng POC Expanded Board, ngunit iginiit niya na kung hindi ito sasangayunan, ilalarga niya ito sa General Assembly para mapormalisa.

-Nick Giongco