CAMP G. NAKAR, Quezon – Nasa 33 pasahero ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Tayabas City at Tagkawayan sa Quezon, kaninang tanghali.
Sa unang insidente, aabot sa 18 katao ang nasugatan nang bumaligtad ang sinasakyan nilang van (NCJ4311) na minamaneho ni Crispin Almarinez matapos nitong salpukin ang isang puno at concrete barrier habang binabagtas nito ang provincial road sa Barangay Lakawan, Tayabas City.
Ang mga nasugatan ay agad na isinugod sa Tayabas Community Hospital.
Labing-apat namang pasahero ang itinakbo sa Ma. L. Eleazar Memorial District Hospital sa Tagkawayan nang masugatan ang mga ito matapos bumangga ang sinasakyan nilang Elavil Tours Philippines passenger bus (TYS 744) na minamaneho ni Allan Robles, sa railings ng kalsada hanggang sa tuluyang bumangga sa isang garahe ng dalawang motorsiklo na pag-aari ni Michael Bascugin sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol ang driver ng bus sa palusong at kurbadang bahagi ng kalsada na naging sanhi ng aksidente.
-Danny Estacio