Mga Laro sa Martes
(Ynares Sports Arena)
2 p.m. - Marinerong Pilipino vs Perpetual
4 p.m. - CEU vs Wangs Basketball
NANATILING buhay ang pag-asa ng Marinerong Pilipino para sa 2019 PBA D-League playoff race, matapos igupo ang Metropac-San Beda, 88-85, sa overtime kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nagtala ng tig-16 puntos sina Art Aquino at Larry Rodriguez upang pamunuan ang nasabing panalo ng Skippers.
Nag-ambag naman si Santi Santillan ng double-double 15 puntos at 14 rebounds.
Nakuha pang idikit ni Clint Doliguez ang Metropac-San Beda sa huling pagkakataon, 85-88 may natitira pang 14.5 segundo sa overtime ngunit iyon na pala ang magiging final count matapos mabigo si James Canlas na ihatid ang laro sa second overtime nang sumablay ang kanyang 3-point attempt.
“Sinasabi namin sa kanila, yung chance wala sa kamay natin, pero ang trabaho is yung natitirang dalawa nating laro. At least yung chance, nandyan pa,” wika ni coach Yong Garcia.
Dahil sa panalo, umangat ang Marinerong Pilipino sa patas na markang 4-4 sa Foundation Group.
Kailangan nilang maipanalo ang huling laro kontra University of Perpetual at umasang matalo ang sa CEU sa Mayo 23 upang makopo ang huling playoff seat.
-Marivic Awitan