TINIYAK ni Edu Manzano sa kanyang mga tagasuporta na iaapela niya ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagkakansela sa kanyang Certificate of Candidacy (CoC) sa pagka-kongresista ng San Juan City.
Sa kanyang Instagram account na @realedumanzano, sinabi ni Edu na ang Comelec Second Division lang ang nagpasya na kanselahin ang kanyang kandidatura, bunsod ng pagkuwestiyon sa kanyang citizenship, at maaari pa niya itong iakyat sa Comelec en banc, at maging sa Korte Suprema.
Ipinaliwanag pa ni Edu na may kapareho na ring reklamo na isinampa laban sa kanya noong tumakbo siya at nanalong bise alkalde ng Makati City, at pinaboran pa nga siya ng Korte Suprema.
Nauna rito, sa desisyong inilabas ng Comelec 2nd Division ay kinansela nito ang CoC ni Edu dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng tunay niyang citizenship.
Duda ang poll body sa pahayag ni Edu na na-retain niya ang kanyang estado bilang natural born Filipino citizen kahit na nagsilbi siya sa US Armed Forces bilang US citizen.
Giit pa ng Comelec, tinapos na ni Edu ang kanyang pagiging Filipino citizen nang magsilbi siya sa US Armed Forces.
At dahil umano sa kabiguang makatugon sa Philippine citizenship requirements, hindi umano eligible ang aktor para maging kinatawan ng San Juan City sa Kamara de Representantes.
“Hindi totoo,” sagot ni Edu nang tanungin ng kanyang tagasuporta hinggil sa kanselasyon ng kanyang CoC.
“2nd Division lang iyan. May en banc pa. Ginawa na sa akin ‘yan in 1998. Nanalo ako sa SC (Supreme Court) and went on to become vice mayor of Makati.
“Pinayagan ako ng Korte Suprema tumakbo. Nasa Mercado vs Manzano 1998,” sabi pa ni Edu.
-MARY ANN SANTIAGO