HOUSTON (AFP) — Arya ang Houston Rockets. Kolapso ang Golden State Warriors.
Sa gitgitang labanan, nakakuha nang sapat na lakas ang Rockets mula sa premyadong player na si James Harden na kumana ng 41 puntos, tampok ang krusyal na three-pointer para sa 126-121 panalo sa overtime sa Game 3 ng Western Conference semifinals nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Abante pa rin ang Warriors sa 2-1 ng kanilang best-of-seven series.
Naisalpak ni P.J.Tucker ang lay up para sa tatlong puntos na bentahe ng Houston tungo sa huling dalawang minute. Nagmintis ang Warriors sa krusyal na dalawang opensa, sapat para sa three-pointer ni Harden para sa 124-118 bentahe may 49 segundo sa laro.
Natapyas ang bentahe sa tatlong free throw ni Kevin Durant, ngunit nagabawi ng lay up si Harden, bago sumablay ang wide-open lay up ni Stephen Curry, nabalian ng kanyang palasing-singan sa Game 2 at nakuha ni Harden ang rebound para selyuhan ang panalo.
Nakatakda ang Game 4 sa Lunes (Martes sa Manila) sa Houston.
Nanguna sa Warriors si Durant na may 46 na puntos.
Nag-ambag si Eric Gordon ng playoff career-high 30 puntos, tampok ang playoff-best pitong 3-pointer para sa Houston.
Kumubra si Curry ng 17 puntos, habang kumana si Draymond Green ng 19 puntos.