NAGPARAMDAM agad ng lakas si 2017 Los Angeles, California World Police and Fire Games 5th overall Eric "Billiard Cop" Bayhon sa pagbubukas ng 2019 J&P Navigator Japan 9-Ball Cup Championships nitong Biyernes sa AMF-Puyat Bowling and Billiards Center, Superbowl, 3rd Level sa Makati Cinema Square, Pasong Tamo, Makati City.
Ang 37-year-old policeman mula Zamboanga City ay nagwagi kay Jong Hwan Kang ng Korea, 5-2, sa 9-ball event na magkatuwang na inorganisa nina long-time billiards patron sportsman/businessman Aristeo “Putch” Puyat at DMC Entertainment and Production management boss Jesse Gonzales Cambosa Sr., kung saan may total pot prize P108,000 ang naghihintay sa magwawagi sa Games and Amusements Board (GAB) sanctioned tournament na suportado ng Puyat Sports at ni Nino Lopez ng Wilde Blu.
“The first round is one of the toughest rounds in any tournament. It usually sets the tone of how you’re going to perform,” sabi ni Bayhon, dating top player ng Ateneo de Zamboanga University ng kanyang college days na sumargo agad ng 4-1 commanding lead at hindi na niya binigyan ng pagkakataon makabalik ang kanyang katunggali.
Si Police Staff Sgt. Bayhon ay nakatutok na malagpasan ang kanyang fifth place finish sa 9 ball at 10th overall sa 8-ball competitions sa nalalapit na Chengdu, China 2019 World Police and Fire Games competition.
Nagbigay naman ng mensahe si International Billiards/Snooker Champion Marlon Manalo.
“It’s a good start for Eric Bayhon, I hope he can perform well in the 2019 J&P Navigator Japan 9-Ball Cup Championships,” sabi ni Barangay Malamig (Mandaluyong City) chairman Marlon Manalo, nominee ng Patrol Party-list.
Nagpakitang gilas din sina Architect Eric "Teod" Salud, Gerome Gamuac , Mike Cua, Danny Macarelos, Andrew Gao, Mike Teng, Lorenz Laureola, Rodel Adona at Ericson del barrio matapos magtala ng magkakahiwalay na panalo.
Dinaig ni Salud si Ralph Jay Morales, 5-3, namayani si Gamuac kay Bok Ungria, 5-1, nakaungos si Cua kay Mike Lu, 5-4, pinadapa naman ni Macarelos si Renato Robles, 5-1, ibinasura ni Gao si Ayi Beach, 5-3, winasiwas ni Teng si Ryan Serrano, 5-4, umibabaw si Laureola kay Dominic Ong, 5-3, pinatkilop ni Adona si Rene Calanaon, 5-4, at winasak ni del barrio si Antonio Estrada Gurapo, 5-3.
Mismong sina World Champion Efren "Bata" Reyes at International Billiards/Snooker Champion Marlon Manalo ng Patrol Party-list ang nanguna sa colorful opening ceremony sa event na suportado rin ng Makati Pool Players Association (MAPPA) sa magiting na pamumuno ni President Arvin Arceo at ni world renowned blogger Leslie "Anito Kid" Mapugay kung saan ay nilahukan ng 213 pool players.