Natimbog ng pulisya ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na 4th most wanted person sa Isabela City sa Basilan, sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City, nitong Huwebes ng umaga.
Ang suspek ay nakilalang si Uring Akilof, nasa hustong gulang, may-asawa, taga-Menzi, Isabela City.
Ipinahayag ni Police Regional Office-9 Director Brig. Gen. Emmanuel Luis Licup, na si Akilof ay miyembro ng bandidong grupong nakabase sa Basilan na pinamumunuan ni Furuji Indama, at kaanib din ng Anjawani gun-for-hire group.
Hindi na aniya nakalaban pa ni Akilof nang lusubin ng mga tauhan ng Isabela City Police Station, PNP Special Action Force, Regional Intelligence Division 9, Regional Intelligence Unit 9, at Zamboanga City Police Station ang pinagtataguan nito sa Our Lady of Fatima Subdivision, Barangay Boalan, ng nasabing lungsod, dakong 11:45 ng umaga.
Paliwanag pa nito, armado sila ng warrant of arrest na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 1, 9th Judicial Region nang dakpin nila si Akilof.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan nito.
-Nonoy E. Lacson