TINAPOS ng University of Santo Tomas ang naitalang winning run ng Ateneo de Manila University matapos itarak ang 2-1 panalo kahapon sa UAAP Season 81 Men’s Football Tournament sa FEU Diliman pitch.

Wala na halos sa kanilang mga kamay ang kanilang tsansa matapos ang naging kabiguan nila sa Adamson University, ginawa ng UST Golden Booters ang lahat upang mapanatili ang pag-asang umusad sa susunod na round.

Dahil sa panalo, mayroon na ngayong 20 puntos ang UST habang nanatili sa ikalawang puwesto taglay ang 23 puntos ang Blue Eagles.

“Sabi nga last time, napahiya kami sa Ateneo, yung 5-0 (first round loss). So yun lang yung motivation kanina sa players na kung pwede bumawi naman tayo kasi yan yung ticket niyo sa top four in case may mangyari sa standings,” ayon kay UST coach Marjo Allado.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naunang umiskor ang Golden Booters, dalawang minuto bago ang halftime break sa pamamagitan ni Glen Ramos.

Nakatabla naman ang Ateneo sa 73rd minute sa pamamagitan ni skipper Julian Roxas.

Ngunit dahil sa kanilang sitwasyon na nanganganib na matapos ang season, hindi sumuko ang Golden Booters at naisalba sila ni substitute AJ Pasion sa 78th minute.

-Marivic Awitan