DUMAYO para magdiwang ang San Juan Knights nang maungusan ang host team Davao-Cocolife Tigers, 87-86, nitong Huwebes sa Rizal Memorial College Gym sa Davao City para makamit ang kampeonato sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup.

Naisalpak ni Jhonard Clarito ang game-winning lay-up para sa titulo at paluhain ang hometown crowd na dumagsa para suportahan ang kanilang koponan sa krusyal Game 5 ng Finals.

May nalalabi pang 8.9 segundo nang magdesisyon ang pambato ng De Ocampo Memorial College forward na atakihin ang depensa nina Billy Robles at Mark Yee para ibigay ang isang puntos na bentahe at ang panalo sa San Juan na itinataguyod ng Go For Gold ni Jeremy Go.

May pagkakataon si Eman Calo na maagaw ang panalo, ngunit sumablay sa kanyang pagtatangka at nakuha ni Clarito ang rebound sa buzzer. Kumana si Clarito ng 11 puntos, tampok ang anim na huling puntos ng Knights, at apat na rebound. Naghabol ang San Juan sa siyam na puntos sa final period at pitong puntos, 77-84, sa huling 3:43 ng laro, bago kumilos sina Mike Ayonayon at Larry Rodriguez, higit ang winning layup ni Clarito.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Ratsada si Ayonayon sa naiskor na 33 puntos, habang kumubra si Rodriguez ng 15 puntos at 13 rebounds.

Nag-ambag si dating PBA star Mac Cardona ng 12 puntos at limang assists para sa unang ituto ng Knights sa mula nang magwagi sa first conference ng 2001 season ng nabuwag na Metropolitan Basketball Association (MBA).

Iskor:

SAN JUAN (87) - Ayonayon 33, Rodriguez 15, Cardona 12, Clarito 11, Wilson 8, Reyes 4, Wamar 3, Isit 1, Jeruta 0, Aquino 0, Muyang 0, Tajonera 0, Marquez 0.

DAVAO OCCIDENTAL (86) - Yee 27, Custodio 19, Adormeo 12, Calo 10, Terso 5, Ombecan 5, Najorda 3, Lamocha 3, Robles 2, Raymundo 0, Regalado 0.

Quarters: 21-15, 49-35, 63-68, 87- 86