SA kagustuhan na mas mapalawig ang suporta sa mas marami pang atleta mula sa iba’t ibang larangan ng sports, nagbukas ng panibagong oportunidad ang Go for Gold para makapili ng mga karapat dapat na mga atletang susuportahan.
Ipinahayag ni Go for Gold Godfather Jeremy Go nitong Martes na isang serye ng karera ang kanilang isasagawa kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang mga kilalang atleta -- babae man o lalake na maging bahagi Ng Team Go for Gold.
Ayon kay Go, walang madaling paraan patungo sa tagumpay kung kaya’t naman minabuti niya na magsagawa ng isang kompetisyon na magtatakda ng kapaalaran ng isang atleta, upang makapasok sa Go for Gold at mabigyan sila ng kaukulang suporta.
Anim na karera ang inorganisa ng Go for Gold Philippines na magsisimula sa Sunrise Sprint na magaganap ngayong darating na Abril 28 kung saan isang maikling Triathlon event ang ilalarga tampok ang 750-meter open water swim, 20km bike ride at 5km run.
“There is no shortcut toward success. But if your dream is to be part of Go for Gold Philippines, then this might be your time to shine,” pahayag ni Go, Vice President for Marketing ng Powerball Marketing and Logistics Corp.
Ang nasabing karera na magaganap sa Naga City Cebu ay susundan naman agad ng Go for Gold SBR PH Aquaman sa Vermosa Sports Hub na magaganap sa Mayo 19 at ang Go for gold SBR PH Duatlon na magaganap sa Nuvali sa Hunyo 16.
Ngunit, hindi pa dito nagtatapos ang nasabing event, kung saan pagsapit ng Hulyo 7, nakatakda naman ang Go for Gold Sunrise Sprint na magaganap sa Davao City bago ang Go for Gold SBR PH Triman sa Clark Pampanga sa Hulyo 28 at ang Go For Gold Sunrise Sprint sa Subic sa Nobyembre 4.
“This program aims to encourage more young individuals to pursue excellence through sports,’ pahayag ni Go
Ang mapalad na magwawagi sa mga nasabing
kompetisyon ay tatanggap ng professional contract na nagkakahalaga ng P100,000 kasama ang Stork bike at isang tropeo.
Bukod sa men’s triathlon team, itinataguyod din ng Go For Gold ang ilang miyembro ng national team mula sa cycling, sepak takraw, chess, wrestling, dragonboat and skateboarding.
Suportado rin ng Go For Gold ang Philippine Air Force volleyball squad at basketball teams na San Juan Knights sa PBA D-League at Maharlika Pilipinas Basketball League.
-Annie Abad