PATULOY sa pagpapakitang-gilas ang baguhang Bacoor nang iposte ang ikatlong sunod na tagumpay pagkaraang ungusan ang Quezon City, 83-81 nitong Martes sa Metro League Reinforced (2nd) Conference sa Caloocan Sports Complex.

Pinangunahan ni King Descamanto ang panalo sa itinala nitong 15 puntos ,9 rebounds at 3 assists sa loob lamang ng 13 minuto nito sa loob ng court.

Buhat sa 74-82 pagkakaiwan, humabol at dumikit pa ang Junior Capitals sa Strikers sa iskor na 81-83, may 41 segundo ang nalalabi sa laban.

Gayunman, napako na ang iskor na pumabor sa Strikers hanggang sa final buzzer.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

Nanatili ang Strikers sa ibabaw ng South Division ng ligang suportado ng Metro Manila Development Authority (MMDA)at Philippine Basketball Association (PBA) kasama ang Barangay 143 bilang league presentor.

Sa iba pang mga laban, nakatikim na rin ng panalo ang Manila-INGCO Stars matapos ang 95-73 paggapi sa Pateros-Metro Asia habang iginupo ng host team Caloocan ang first conference champion Valenzuela, 77-76.

Dahil sa kabiguan, bumaba naman ang Quezon City sa patas na 2-2 marka sa North Division ng liigang ito na itinataguyod ng Synergy 88, World Balance, Excellent Noodles at San Miguel Corporation bilang major sponsors.

Pinanunuan ni Carlo Lastimosa ang Manila na umangat sa barahang 1-2 sa ipinoste nitong 23 puntos, at tig-3 rebounds at assists habang nanguna naman si Eric Mabazza na nagtala ng 16 puntos para sa Pateros na nanatiling walang panalo matapos ang dalawang laro.

Umiskor naman ng 21 puntos at 11 rebounds para pamunuan ang Supremos na umakyat sa patas na barahang 2-2 si Joseph Brutaas.

Dahil dito, nakamit ng Caloocan ang liderato ng Northern Division ng M-League na suportado rin ng SMS Global Technologies, Inc. bilang official livestream & technology partner, Spalding bilang official ball, Team Rebel Sports bilang official outfitter, PLDT bilang official internet provider at Manila Bulletin bilang media partner.

Bumaba naman ang Valenzuela sa markang 2-1, panalo-talo.

-Marivic Awitan