June 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Balik-Eskwela 2026, kumusta nga ba sa punto de vista ng isang school principal?

#BalitaExclusives: Balik-Eskwela 2026, kumusta nga ba sa punto de vista ng isang school principal?
Photo courtesy: Cesar Ian Salac (FB)

Opisyal at pormal nang binuksan ang taong panuruan 2026-2027 ngayong araw ng Lunes, Hunyo 8, 2026, sa lahat ng mga pampublikong paaralan nationwide.

Matapos ang halos higit isang buwang pahinga at paghahanda, muli na ngang sumabak sa arena ng pagtuturo ang mga guro upang buong pusong tanggapin ang mga bagong "inakay" na kanilang tuturuan at gagabayan.

Isa sa mga nakiisa sa Balik-Eskwela ang Sta. Rosa National High School sa Sta. Rosa Concepcion, Tarlac, sa pangunguna ng kanilang school principal na si Cesar Ian Salac na isang Principal I.

Sinimulan ang kanilang pagbabalik-eskwela sa pamamagitan ng kanilang unang general assembly at flag-raising ceremony, na isinagawa naman ng mga batang iskawt. Dinaluhan ito ng school officials, mga guro, mga mag-aaral, at school staff.

May tema ang kanilang gawain na "A Promising Dawn: First Assembly and Flag-Raising Ceremony of the School Year."

Human-Interest

#BALITAnaw: Naalala mo pa ba ang Betamax at VHS tapes?

"As the sun rose on a new academic journey, Sta. Rosa National High School proudly commenced its First Assembly and First Shift Flag-Raising Ceremony, marking the beginning of another year filled with aspirations, opportunities, and excellence," mababasa sa post ng punungguro.

"With hearts united in patriotism and minds set on achievement, learners, teachers, and staff gathered to embrace a fresh chapter of growth and learning. May this first gathering inspire a year of purpose, discipline, and success for the entire SRNHS community," dagdag pa.

"Together, we begin. Together, we soar," pagwawakas niya.


Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Principal Salac, nakumusta ang punungguro tungkol muna sa "Brigada Eskwela 2026" sa kanilang paaralan, bago ang aktuwal na pagbubukas ng mga klase.

"Naging makabuluhan at naging maayos ang BE 2026 dahil sa malaking suporta ng mga stakeholders at lubos ang aming pasasalamat sa lahat ng nakilahok sa programang ito," aniya.

Natutuwa ang school principal dahil naging maayos naman daw ang naganap na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

"Ako ay nagagalak dahil nakita ko na napaka-smooth ng pagbubukas ng klase sa aming paaralan dala na rin to ng lubusang paghahanda at lubos na kahandaan ng aming paaralan."

"Walang naitalang insidente o anumang iregularidad dahil sumapat lahat ng mga kailangan maliban na lamang sa mga paunti- unting inaayos katulad ng mga sira-sirang armchair, pero manageable pa rin naman so far and dahil sa mga bagong reporma ng DepEd, kaming lahat ay nag-a-adjust at naninibago pa sa mga bagong polisiya," saad pa niya.

Nagbigay rin siya ng reaksiyon at komento sa ilang mga hamong kinahaharap sa sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas, katulad na lamang ng ilang mga pagbabago sa kurikulum at pagiging trimester ng taong panuruan. Aniya, bilang isang school official, kailangang yakapin ang mga pagbabagong ito para na rin sa kapakinabangan ng learners at iba pang stakeholders.

"Kailangan nating yakapin ang mga pagbabagong ito dahil parte ng isang makabagong reporma sa larangan ng edukasyon ay kailangan tayo ay maging flexible at adaptable sa mga panibagong repormang ito," aniya.

Nagbigay rin siya ng reaksiyon niya sa mga kasalukuyang hakbang ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni DepEd Sec. Sonny Angara.

"Kailangan lang ng mas pinalakas pang suportang manggaling sa DepEd upang sa ganoon, mapatatag pa ang implementasyon ng mga bagong reporma," aniya.

Kaugnay nito, nag-iwan naman siya ng mensahe para sa mga kapwa guro, mga mag-aaral, at sa buong academic community para sa SY 2026-2027.

"Let us see first the brighter side of the implementation of the changes and reforms in the Department, and we would like to THANK all the DepEd employees both teaching and non-teaching with their courage and resilience in embracing the new SY and all the new reforms and policies of the Department," aniya.