Naitalang higit-kumulang 6,224 na paaralan ang naapektuhan ng tumamang magnitude 7.8 na lindol sa iba’t ibang probinsya sa Mindanao nitong umaga ng Lunes, Hunyo 8.
MAKI-BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Batay sa pahayag ng Department of Education (DepEd), ang nasabing 6,224 na paaralan ay mula sa mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, Soccskargen, at Caraga.
Bukod pa sa mga bilang na ito, mayroon pang tinatayang 3.2 milyong mag-aaral at 128,000 guro at personnel ang naapektuhan ng lindol.
Tiniyak naman ni DepEd Sec. Sonny Angara na suspendido na ang mga klase sa lahat ng antas sa mga tinamaang lugar sa Mindanao hanggang sa susunod na abiso upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang school personnel.
Binanggit din niya sa nasabing pahayag na nakapagpadala na ng mga structural engineer ang DepEd upang magsagawa ng damage assessment at magbigay ng karagdagang suporta sa regional teams.
Saad pa ng kalihim, maaaring gamitin ng mga paaralan ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa agarang minor repairs ng kanilang mga pasilidad na nagkakahalaga hanggang ₱50,000.
Para sa mga pagkukumpuni at rehabilitasyon na kakailangan ng karagdagang pondo, tiniyak ng DepEd na may nakalaan ditong hiwalay na pondo at emergency resources.
Samantala, inaatasan ni Angara ang lahat ng paaralan na mahigpit nilang ipatupad ang mga hakbang sa paghahanda laban sa lindol, kabilang ang mga evacuation procedure at regular na pagsasagawa ng earthquake drills upang matiyak ang kahandaan ng school community sa sakuna.