June 07, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Mga suportang maibibigay ng mga kaanak sa isang cancer survivor

Mga suportang maibibigay ng mga kaanak sa isang cancer survivor
Photo courtesy:Unsplash

Ang pagharap sa isang cancer diagnosis ay maituturing na nakalulungkot at nakababalisang landas dahil sa kawalan ng katiyakan at kontrol sa sitwasyon, emosyonal at mental na pagod, at ang mabigat na pasanin ng bawat gamutan sa pinansyal na kakayahan ng isang indibidwal. 

Kaya malaking bagay ang suporta ng pamilya o kaniyang komunidad upang mapagtibay ang kalooban ng  isang cancer patient, hindi lamang sa kaniyang cancer journey, recover, hanggang sa maging ganap siyang “cancer survivor.” 

Pagdating naman sa panahong maging cancer survivor na ang kaanak, narito ang ilan sa mga paraan upang maipakita ng mga kapamilya o komunidad na kinabibilangan ang kanilang pagsuporta at pagmamahal dito: 

Tandaan na panghabambuhay ang tahakin sa cancer survival 

Ayon sa pag-aaral ng City of Hope, ang cancer survivorship ay hindi lamang isang phase na nararating ng isang indibidwal matapos ang kaniyang mga treatment, bagkus, ang paggaling dito ay kinakailangan pa ng panghabambuhay na pangangalaga kaya mahalaga ang pagkakaroong ng suporta mula sa mga kaanak, malalapit na kaibigan, o support groups. 

Human-Interest

#BALITAnaw: Naalala mo pa ba ang Betamax at VHS tapes?

Pahalagahan ang kasalukuyang oras na magkakasama 

Ang paglalaan ng oras sa kaanak na nakaligtas sa cancer ay naituturing na mahalagang regalo dahil naipadarama rito na siya’y minamahal at pinahahalagahan. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng isang phone call, pagpapadala ng mensahe, o kaya’y pisikal na pagbisita. 

Magbigay ng mga salitang nakapagpapagaan ng kalooban 

Ang mga encouragement ay maituturing na malaking bagay dahil direktang naipapahayag sa kaanak na cancer survivor ang kaniyang katatagan at ang mga taong handang sumuporta sa kaniya. 

Sa pamamagitan ng mga salitang ito, napagtitibay ang kalooban ng isang survivor at pananampalataya sa patuloy niyang paggaling at pagbuti ng kondisyon. 

Ipagdiwang at pahalagahan ang paggaling ng kaanak mula sa cancer

Dahil kadalasang puno ng pagkabagabag ang maraming cancer patients sa kasagsagan ng kanilang treatments, ang pagdiriwang ng kagalingan mula sa cancer ay malaking bagay upang maalala ang katatagan sa kasagsagan ng mahirap na sitwasyon at pagsubok. 

Magbigay ng praktikal na tulong 

Bukod sa emosyonal na suporta, ang paglalaan din ng praktikal at pinansyal na tulong ay malaking bagay na maituturing upang mapagaan ang gastusin ng isang survivor mula sa kaniyang mga gamot at maintenance, hanggang sa kaniyang mga pagkain, medical consultation at follow-ups, at iba pang gastusin.