Pinabulaanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na walang naging special treatment sa pag-aresto sa kontratistang si Curlee Discaya.
Sa pagharap sa media ni Remulla nitong Lunes, Hunyo 8, 2026, itinanggi niya ang mga ulat na may special treatment para sa mga Discaya bunsod umano ng kanilang mga naging transaksyon sa malalaking politiko.
“Mayroon kasing mga reports na dahil marami silang mga ka-deal na bigtime congressman, bigtime senators na poprotektahan sila,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “They are here at ilalagay sila sa regular na selda, katulad sa mga senador na regular na selda rin.”
Kaugnay nito, nilinaw din ni Remulla na nakadepende raw sa judge kung ano ang ihahatol nilang uri ng selda na pagdadalhan kay Discaya.
“Depende 'yan sa judge kung saan ilalagay,” aniya pa.
Samantala, tiniyak din ng kalihim na mas marami pa raw silang mga suspek sa flood control scam ang masasakote.
“Itong flood control mess ay moving forward makikita n'yo at sa mga darating pang panahon ay mas marami pa kaming mahuhuli,” anang kalihim.
Saad pa niya sa hiwalay na pahayag, "As of now, ang 9 are already in custody. Si Pacifico Discaya was picked up at 7 ng umaga, sinundo siya sa Senate, pagkatapos dinala siya dito para sa inquest. Para maklaro lang, sa 11 na charge, 9 na ang nakakulong, yung dalawa po at large.”
KAUGNAY NA BALITA: 9 sa 11 suspeck sa flood control scandal, nakakulong na—DILG
Bago nito, nauna nang inaresto at naikulong ang misis niyang si Sarah Discaya at kasalukuyang nasa kustodiya ng Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.
Habang tumagal naman ng 9 na buwang nakadetine sa kustodiya ng Senado si Curlee Discaya matapos siyang ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa noo’y serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.