Ipinagmalaki ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 9 sa 11 mga suspek sa maanomalyang flood control projects ang nakadetine na habang patuloy pa rin ang ikinakasang manhunt operation laan sa iba pa.
Lumabas ang pahayag ng DILG matapos ang pagkakaaresto ng kontratistang si Curlee Discaya nitong Lunes, Hunyo 8, 2026.
"As of now, ang 9 are already in custody. Si Pacifico Discaya was picked up at 7 ng umaga, sinundo siya sa Senate, pagkatapos dinala siya dito para sa inquest. Para maklaro lang, sa 11 na charge, 9 na ang nakakulong, yung dalawa po at large," giit ni DILG Sec. Jonvic Remulla.
Ayon pa sa DILG, kabilang na sa mga nakakulong ay sina: Merge Jaro Caparas Laus, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Norberto De Leon Santos, Juanito Mendoza, Floralyn Simbulan, Angeline Discaya Rimando, Cezerah Discaya at Curlee Discaya.
Habang kinilala naman ng DILG ang dalawang salarin na patuloy nagtatago na sina Ernesto Galang at Lorenzo Pagtalunan.
Dagdag pa ni Remulla, naibalik na rin nila ang arrest warrant sa korte at kasalukuyan nang hinihintay ang coomitment order mula sa regional Trial Court (RTC).
"Hinihintay po natin ang commitment order ng korte at kung saan nila ire-remand. nasa hukuman na po ang desisyon iyon," anang DILG secretary.
Matatandaang 9 na buwanang nakadetine sa kustodiya ng Senado si Curlee Discaya matapos siyang ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa noo’y serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Bago nito, nauna nang inaresto at naikulong ang misis niyang si Sarah Discaya at kasalukuyang nasa kustodiya ng Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.