June 08, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Kaibahan ng intensity at magnitude ng isang lindol

ALAMIN: Kaibahan ng intensity at magnitude ng isang lindol
Photo courtesy: MB File Photo

Ginulantang ng may lakas na magnitude 7.8 na lindol ang maraming lokal na residente at estudyante partikular sa Maasim, Sarangani, Soccsksargen, nitong Lunes, Hunyo 8, 2026. 

Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang mapaminsalang lindol sa naturang lugar bandang 7:37 ng umaga nitong Lunes at naramdaman ito maging sa iba pang mga karatig-lugar o bayan. 

Dahil dito, agad na naglabas ng tsunami warning ang PHIVOLCS bilang pagbibigay babala sa publiko. 

Agad namang naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nito ring Lunes at sinabi niyang inatasan na raw niya ang mga ahensya ng gobyerno para sa agarang pagkilos upang tulungan ang mga naapektuhan ng sakuna. 

KAUGNAY NA BALITA: First day of classes, naantala dahil sa lindol: PBBM, sinuspinde klase sa Mindanao

Friendship na lagpas 7 taon, forever na nga ba?

Dahil na rin sa mga lagi’t laging gumugulantang na lindol sa mga Pilipino nang walang partikular na katiyakan sa pagtama nito sa lupang sakop ng bansa, mahalagang malaman ng publiko kung ano nga ba ang kaibahan ng intensity at magnitude ng lindol. 

Sa naging paliwanag ni Paolo Sawi, Science Research Analyst ng PHIVOLCS, sa panayam sa kaniya sa programang True FM ring Lunes, nagawa niyang linawin ang simpleng pagkakaiba ng mga terminong “magnitude” at “intensity” sa lakas ng lindol. 

Ani Sawi, may tinatawag daw kasing “waveform” ang isang lindol at doon nila nasusukat o nalalaman kung gaano naging kalakas ang naturang sakuna. 

“Ang magnitude po is ‘yong lakas ng lindol. May waveform po or ‘yong mga earthquake waveform. From that po, puwede po naming  masukat o malaman kung gaano kalakas ‘yong lindol,” pagsisimula niya. 

Paglilinaw niya, “‘Yon po ang magnitude o enerhiya niya po.” 

Pagpapatuloy ni Sawi, tumutukoy naman daw ang intensity ng lindol sa naging epekto nito sa mga tao—kung paano naramdaman at gaano naging kapaminsala sa mga lugar na naapektuhan nito. 

“Ang intensity naman po, kung ano po ang epekto niya sa atin. Kunwari, paano po natin siya naramdaman, may mga damage po ba, ‘yon po ‘yong intensity,” pagtatapos niya. 

Paglilinaw naman ng kausap niya na brodkaster at batikang mamamahayag na si Ted Failon, mas madali raw sabihin na ang magnitude ay ang naganap na paggalaw sa ilalim ng lupa, habang ang intensity naman ay tumutukoy sa kung paano naging kalakas ang naramdaman ng mga tao sa ibabaw ng lupa. 

“Kumbaga ‘yong magnitude, ito ‘yong enerhiya na created produce nitong movement sa ilalim ng lupa. Then ang intensity, kung ano ang naramdaman ng mga tao doon ibabaw ng lupa,” ani Ted. 

Malinis namang sumang-ayon si Sawi sa naging follow-up ng mamamahayag. 

Sa kasalukuyan, habang sinusulat ito, hindi bababa sa 12 ang naitalang namatay habang humigit-kumulang 129 naman ang mga nasugatan sa naganap lindol sa Maasim, Sarangani, base sa ulat ng Office of Civil Defense Davao Region. 

KAUGNAY NA BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani

KAUGNAY NA BALITA: 'Immediate suspension of work,' ipinag-utos sa lahat ng opisina ng DOLE sa Davao at SOCCSKARGEN