Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Francis N. Tolentino ang agarang suspensyon ng pasok sa lahat ng DOLE offices sa rehiyon ng Davao at SOCCSKARGEN kasunod ng pagyanig ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani nitong umaga ng Lunes, Hunyo 8.
MAKI-BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Saad sa inilabas na pahayag ng ahensya, upang bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga empleyado at kanilang mga kliyente, lahat ng face-to-face transactions at mga serbisyo ay suspendido hanggang sa matapos ang pagsasagawa ng safety and structural assessment sa mga gusali.
Sa employers at mga manggagawa naman sa pampribadong sektor, ipinaalala ni Tolentino na magsagawa rin ng suspensyon ng pasok sa trabaho, alinsunod sa Labor Advisory No. 15, Series of 2025.
Para sa mga empleyado namang pumapasok sa public utilities, health services, at vital operations, abiso ng DOLE na dapat matanggap ng mga ito ang kanilang buong sahod at benepisyo alinsunod sa Labor Code.
Gayundin ang mga karagdagang incentives tulad ng hazard pay, compensatory time off, transportation service, o kaya’y food allowance.
Abiso pa ng DOLE, ang mga manggagawa ay hinihikayat na ipagbigay-alam sa kanilang employer ang anumang kinaharap na panganib sa pagbiyahe patungo sa opisina.
Sa pagtatapos ng pahayag, binanggit ng DOLE na lahat ng manggagawang hindi makakapasok o tumangging makapasok bunsod ng sakuna ay hindi maaaring mapatawan na anumang administratibong parusa.