ITUTULOY ng Filipino riders ang kanilang kampanya upang mag-qualify sa Olympics sa pamamagitan ng pagsabak ng mga continental teams na 7Eleven Cliqq Air21 by Roadbike Philippines at Go for Gold sa Tour de Iskandar Johor na magsisimula ngayon sa Johor, Malaysia.
Target ng mga riders na makakuha ng UCI Olympic qualifying points sa nasabing tatlong araw na 2.2 race na lalahukan ng 14 na continental teams, 2 national teams at 6 na club teams.
Ito pa lamang ang ikatlong UCI race na lalahukan ng 7Eleven kasunod ng Ronda Pilipinas at Tour of Thailand habang pangalawa pa lamang ito para sa Go for Gold pagkatapos nilang sumabak sa Ronda.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nasa ika-69 na posisyon sa UCI World rankings sa taglay nitong 294 puntos, 146 puntos sa highest Southeast Asian country na Thailand.
Nasa likod ang mga Pinoy ng Indonesia na may ranggong 67th at Singapore na kasalukuyang pang-68th.Mayroon silang 30 at 14 na puntos na kalamangan sa mga Filipino riders, ayon sa pagkakasunod.
Si Marcelo Felipe ng 7Eleven ang nangunguna sa mga Pinoy riders sa taglay nitong 68 UCI points kasunod sina Ronald Oranza at El Joshua Cariño ng Philippine Navy Standard Insurance na may 66 at 59 puntos ayon sa pagkakasunod.
Kinakailangan ng Pilipinas na pumasok sa top 50 sa ranking ng mga bansa o magkaroon ng riders sa top 200 sa individual rankings hanggang Oktubre ng taong ito upang mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.
Kasama ni Felipe na maghahangad makakuha ng UCI Olympic points ang mga kakamping sina Dominic Perez, RJay Peralta, Bonjoe Martin, Mervin Corpuz at Daisuke Kaneko gayundin sina Ronnel Hualda, Elmer Navarro, Ronnilan Quita at Jay Lampawog ng Go for Gold.
-Marivic Awitan