Fil-Aussie cliff diver, bubuhay sa interest ng Pinoy sa Cliff Diving?
MAY dating ba sa masang Pinoy ang sports na Cliff Diving?
Sa pagkakataong ito, tiyak na susubaybayan ng Pinoy, higit yaong mahihilig sa extreme sports ang gaganaping Red Bull Cliff Diving World Series sa Abril 12- 13 sa malaparaisong El Nido sa Palawan.
Malaking dahilan ang pagsabak ng 20-anyos Filipino-Australian cliff diver na si Xantheia Pennisi.
Ang mayuming si Xantheia ang kauna-unahang diver na may dugong Pinoy na nakalahok sa pamosong kompetisyon – tanging leg ng pitong-bansang serye na gagawin sa Asian region – kung kaya’t napaka-ispesyal ng torneo para sa half-Pinay.
“Everything happens for a reason, and this stop happened for me,” pahayag ni Xantheia, ang ina ay nagmula sa Tarlac.
“I will be diving for my family and my biggest supporter, my mum,” aniya sa ginanap na media presentation nitong Lunes sa Rizal Memorial diving center sa Manila.
Kabuuang 24 professional male at female cliff divers mula sa 18 bansa ang magpapakitang-gilas sa Pinoy audience sa lagoon ng pamosong Miniloc Island. Tampok sa listahan ang world champions na sina Rhiannan Iffland ng Australia at Gary Hunt ng Great Britain.
Ayon sa organizers, ang mga kalahok ay tatalon sa taas na 27 meters at kalkuladong bilis na 86 km/h, gamit ang galing, determinasyon, physical control.
Ipinanganak at lumaki si Xantheia sa Brisbane, Queensland, Australia at sa murang edad na 4, nakahiligan ang swimming at diving. Nagsimula siyang magsanay sa diving sa edad na 13.
Higit na lumakas ang atraksiyon sa kanya ng sports nang makadaupang-palad si Three-time Red Bull Cliff Diving World Series Women’s Champion at kababayan na si Rhiannan Iffland.
“Immediately I wanted to be a part of this amazing sport!” aniya.
Natikman niya ang unang karanasan sa kompetisyon bilang ‘wild card’ entry sa world series leg sa Mostar, Bosnia and Herzegovina sa nakalipas na season. Bilang bagito sa sports, umaasa ang half-Pinay na maitataguyod niya ang career sa sports.
“For me, this year is still about learning the sport of cliff diving. I have only been cliff diving for less than a year, so I am focusing on doing consistent dives and getting high scores. I don’t have the biggest dives yet, but I am working on them. My goal is to place in the top 5 at all the competitions,” aniya.
Bilang paghahanda, sinabi ni Xantheia na nagsasanay siya ng anim na beses sa loob ng isang linggo upang madevelop ang kanyang galaw at mapalakas ang mga hita para sa tamang diving at somersaults.
“Once you have your fundamental diving skills, being consistent and confident with those dives on the lower boards will make a huge difference with the high dives,” pahayag ni Xantheia.
Higit na nakagigiliw ang pagsabak niya sa kompetisyon sa harap ng mga kababayan at muling matikman ang mga paboritong pagkain na madalas ihanda sa kanya ng mga kaanak sa panahon ng bakasyon.
“I love the exotic fruit, especially green mango - they are my favorite!. I love the local markets and street food. The warm weather and all the incredible beaches are a great bonus, but seeing my family is my favorite part of the Philippines,” aniya.
“I haven’t been in the Philippines since 2012, and I cannot wait to be back!I feel very special to be representing Australia and the Philippines. I know my family are supporting me, and I want to make them proud.”
Sa mga hindi makakapunta sa Palawan, mapapanood ng live ang aksiyon sa
Facebook at YouTube. Mapapanood din ng Pinoy ang kompetsiyon, gayundin ang anim pang leg ng 2019 World Series sa S+A at iWant Sports (iwant.ph), 5PLUS and 5plus.com.ph, FOX Sports, FOX Sports GO, FOX+ app, online at http://www.foxsports. ph, at iFlix VOD service.
Ang iba pang serye ay sa Mayo 12 sa Dublin, Ireland; Polignano a Mare, Italy (June 2); Sao Miguel, Azores, Portugal (June 22), Beirut, Lebanon (July 14), Mostar, Bosnia and Herzegovina (August 24) at Bilbao, Spain (September 14).
-Edwin G. Rollon