SAN CARLOS CITY,Pangasinan—Limang tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang pulis sa harapan mismo ng kanyang tahanan, kahapon ng gabi.
Kinilala ni Senior Supt. Wilzon Joseph Lopez , Pangasinan Provincial Director, ang biktima na si PCpl Rogeron Ramirez, 39 anyos, residente ng Barangay Mabalbalino, San Carlos City at nakadestino sa Chaplain Service Police Regional Office 1.
Naisugod pa ang biktima sa Villaflor Medical Center sa Dagupan City ngunit binawian din ng buhay bandang 10:45 ng gabi.
Sa isang panayam sa telepono kay PMSg Esteban Paglingayen, sinabi nitong naaresto ang dalawang suspek na kinilala ng live-in partner ng biktima, sina Jose De Guzman , 59 anyos at Diosdado Castro, 55 anyos, kapwa Barangay Kagawad at residente ng Bgy. Mabalbalino.
Sa imbestigasyon, nakatayo umano ang pulis sa harapan ng kanyang bahay nang paputukan mula sa likuran ng mga suspek bandang 7:00 ng gabi.
Ayon sa pulisya, posibleng galit ang dahilan ng pagkakapaslang kay Ramirez.
Kapwa nasa kustodiya ng San Carlos Police ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng kaso.
-Liezle Basa Inigo