PINALAKPAKAN nang husto si Sylvia Sanchez sa ginanap na gala night ng pelikula niyang Jesusa sa Gateway Cinema 5 nitong Sabado, Abril 6 dahil muli na naman niyang ipinakita ang husay niya sa pag-arte.

sylvia sa jesusa

Noong sinu-shoot ni Sylvia ang Jesusa na idinirek ni Ronaldo Carballo produced ng EPM (Oeuvre Events and Production Management) ay ikinukuwento niyang unang beses siyang gaganap na adik at rape victim kaya challenge iyon sa kanya dahil hindi nga naman ito wholesome, kumpara sa mga nagawa na niyang karakter sa mga serye at pelikula.

Mabait at mapagmahal na asawa si Jesusa kay Allen Dizon at mapagmahal na ina kina Empress Schuck at Mara Lopez na hindi naman niya tunay na mga anak pero inalagaan niya at pinalaki nang maayos dahil sa sobrang pagmamahal nito sa tatay nilang babaero.

Cong TV malabo raw pumasok sa politika, sey ng misis

Hindi magkaanak sina Jesusa at Allen, na isa siguro sa mga dahilan kaya siya iniwan nito at ipinagpalit kay Ynez Veneracion at biniyayaan sila ng anak na babae.

Gumuho ang mundo ni Jesusa nang iwan siya ni Allen hanggang sa tuluyan nang natukso ang una sa ipinagbabawal na gamot sa kakaaya ng kaibigan niyang adik na si Malu Barry, isang nurse.

At dahil adik na at wala na sa matinong pag-iisip ay hindi na nakakapagtrabaho si Jesusa at hindi na rin siya iniiwanan ng pamalengke ng mga anak dahil ipinambibili lamang niya ng droga.

Nang wala nang ipambili ng droga si Jesusa ay pinakialaman niya pati ang alkansiya ng apo (anak ni Empress), bagay na ikinalungkot ng bagets.

Pati ang lumang telebisyon ay binitbit ni Jesusa para ibenta na nagkatawanan ang lahat dahil nga ang ganda ng eksenang naglalakad siya habang pasan-pasan ito.

Binitbit din niya ang dalawang tangke ng gas sa tindahan na ang katwiran niya ay, “wala namang me-ari, eh, nasa kalsada.” Hinabol siya ng tindera at nag-aagawan sila sa tangke sabay sabing, “o hayan, iyo na.”

Ang ganda ng atake ng aktres sa mga nabanggit na eksena.

At nalaman namin na sumakit ang katawan ni Ibyang sa mga nabanggit na eksena.

“Ang bigat nu’ng TV, sumakit ‘yung number 5 lumbar ko,” saad ng aktres.

Akala namin ay kahon lang na TV ‘yun, tunay palang telebisyon ‘yun.

“Oo, kaya nga sobrang pagod ko, pagkatapos, talagang nanlambot ako, lalo na sa first shooting day, mula 8AM hanggang 5PM wala akong ginawa kundi maglakad nang maglakad,” kuwento pa ng aktres.

Hindi na raw nakapag-warm up pa si Jesusa bago kunan ang walong oras niyang paglalakad na paikot-ikot at pabalik-balik sa lugar, “malay ko ba naman ‘yun ang kukunan, sumunod lang ako sa direktor ko,” sambit ni Ibyang.

May isa pang hindi nalilimutang pangyayari si Sylvia sa shooting ng Jesusa na kinunan sa slum area ng Malabon.

“’Yung eksenang nakasakay ako sa balsa at nahuli kong magkasama sina Allen at Ynez, ‘di ba galit ako pero hindi ako kumikibo, pag-cut ni Direk, sabi ko, alis na ako rito kasi nakakita ako ng ahas na kasing laki ng hita ko at nakaabang sa gilid ng balsa. Sobrang takot ko talaga,” sabi ng aktres.

Isa pang eksenang nadurog ang puso ng lahat ng nakapanood ay habang nire-rape si Jesusa ay umiiyak namang napanood ito ng kanyang apo.

Habang nire-rape si Jesusa ay wala siyang nararamdaman at tulala lang siya dahil sa droga.

“Sa kapapanood ko sa Bangkok ng ganu’n, ‘yun ang naging peg ko. Mga babae ro’n ganu’n ang trabaho naka drugs kaya wala silang nararamdaman,” kuwento ni Ibyang.

Marami pang magagandang eksena sa Jesusa na magmumulat sa kahirapan ng buhay kaya nakatitiyak kami na maraming makaka-relate sa mga manonood ng pelikula na kasama sa 5th Sinag Maynila.

Lahat ng kasama sa pelikula ay mahuhusay umarte tulad nina Beverly Salviejo, Fanny Serrano , Uno Santiago, Mon Confiado bukod kina Empress, Mara, Ynez at Allen.

-Reggee Bonoan