June 06, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Good Cayetano? Direk Lino PTV-4 head na, ikinumpara sa mga utol

Good Cayetano? Direk Lino PTV-4 head na, ikinumpara sa mga utol
Photo courtesy: MB File Photo

Nagpasalamat at nagpahayag ng kahandaan si dating Taguig City Mayor at filmmaker na si Direk Lino Cayetano matapos italaga bilang bagong head ng People's Television Network o PTV-4, na state-run television network.

Sa kaniyang pahayag na mababasa sa Facebook post niya noong Biyernes, Hunyo 5, sinabi ni Cayetano na malaking karangalan para sa kaniya ang tiwalang ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. upang pamunuan ang nabanggit na TV network.

Ayon kay Cayetano, mahalagang papel ang ginagampanan ng PTV-4 bilang pambansang himpilan ng telebisyon ng pamahalaan, lalo na sa paghahatid ng impormasyon at pagpapalapit ng mga programa at serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.

Binigyang-diin niya na ang bukas at malayang pagpapalaganap ng impormasyon ay mahalaga sa pagtataguyod ng transparency at mabuting pamamahala.

"As a nationwide broadcast network and the government’s channel, PTV-4 carries a special responsibility: to inform and to bring the work of government closer to every Filipino, making it easier to reach and access," aniya.

Tsika at Intriga

Banat ni Miss Everything: 'If Sara has a sin, jail her! If BBM is guilty too, jail him. No choosing!'

"We believe that when information is shared openly, it builds transparency. Transparency is the foundation of good governance. This is where our news and public affairs will play its most important role."

Dahil dito, sinabi niyang magiging mahalagang bahagi ng mandato ng PTV-4 ang pagpapatibay ng mga programang pangbalita at public affairs upang mas maging malinaw at madaling maunawaan ng publiko ang mga ginagawa ng pamahalaan.

Gayunman, iginiit ni Cayetano na hindi lamang balita at usaping pampamahalaan ang dapat pagtuunan ng pansin ng network.

Ayon sa kaniya, mahalaga rin ang entertainment at kultura sa buhay ng mga Pilipino kaya nais niyang gamitin ang PTV-4 bilang plataporma upang maipagmalaki ang mga kuwento, musika, talento, kultura, at pagkakakilanlan ng bansa.

Nangako rin ang bagong pinuno ng network na makikipagtulungan siya sa mga empleyado ng PTV-4 at sa iba pang pangunahing personalidad at organisasyon sa industriya ng media upang higit pang mapalawak ang abot ng himpilan.

Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpapalakas ng presensya ng PTV-4 sa free television, digital broadcasting, at social media platforms, gayundin ang pagpapalawak ng saklaw nito sa mga rehiyon at lokal na komunidad sa buong bansa.

Layunin aniya na maabot ng network ang bawat sulok ng Pilipinas at makapaghatid ng impormasyon at serbisyo sa mga Pilipino saan man sila naroroon.

"Together, I hope we can expand our reach across free TV, digital broadcast and social media platforms, while also strengthening our international, regional and local presence — so that we reach every region and every corner of the country to serve Filipinos wherever they are," aniya.

Nagpasalamat din si Cayetano sa outgoing General Manager na si Malou Choa-Fagar at kinilala ang ambag ng mga naunang pinuno ng ahensya sa paghubog ng PTV-4.

Kasabay nito, nagpahayag siya ng kahandaang makipagtulungan sa PTV Board at sa Presidential Communications Office (PCO) sa pangunguna ni Secretary Dave Gomez upang maisulong ang modernisasyon at hinaharap ng pambansang himpilan ng telebisyon ng gobyerno.

Samantala, nagpaabot naman ng pagbati sa kaniya ang ilang mga personalidad at netizens, at hindi pa maiwasan ng iba na maikumpara siya sa dalawang kapatid na senador na sina Senate President Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano.

Ilan pa ang tumawag sa direktor bilang "Good Son" at "Good Cayetano" matapos ang mga naging isyu sa Senado sa mga nagdaang linggo.

"Congratulations Direk/Mayor Lino Cayetano!"

"Ito ang tunay na Cayetano. Sa pagdo-donate pa lang ng kanyang internal organ para sa ama kita mo na kung anong klaseng tao si direk Lino. Congrats sa iyong bagong pamumunuan. Mabuhay!"

"You are different from your 2 siblings, you are well mannered, w ethics at makatao. Being kidney donor, is such an admirable act. God bless you Lino Cayetano."

"Congratulations, to the Good One, Cayetano version."

"the 'Good Son'……"

Samantala, wala namang reaksiyon, tugon, o pahayag ang direktor sa mga pagkukumpara ng netizens sa kanilang magkakapatid.