Nasawi ang anim na excursionists at 14 na iba pa ang nasugatan nang magkabanggaan ang isang pribadong jeepney at isang 10-wheeler dump truck sa national highway ng Libmanan, Camarines Sur.

Kinumpirma ni Staff Sergeant Emerose Organis, information officer ng Libmanan Municipal Police, na kabilang sa mga nasawi ang driver ng pribadong jeepney na si Jorge Montañez; gayundin ang mga pasaherong sina Jhian Co, menor de edad; Marites Montañez y Alpay, 53; Sneizer Co, 9, pawang taga-Barangay Haluban, Lupi, Camarines Sur; Abegail Jimeno, menor de edad, ng Bgy. Barrera Sr., Lupi; at isang hindi pa nakikilala.

Sinabi ni Organis na hinihinalang lasing si Montañez nang mangyari ang aksidente sa Bgy. Bikal, Libmanan nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Organis, nag-outing ang mga biktima sa Malinao Spring Resort sa Libmanan at pauwi na nang mangyari ang aksidente.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

“’Yung mga batang biktima ay estudyante. Napagkasunduan ‘ata ng mga magulang na mag-swimming kasi bakasyon naman,” ani Organis.

Nasa 20 katao ang sakay sa jeepney, habang kinilala naman ang driver ng dump truck na si Noel Amot y Nenez, 35, ng Ogong St., Bgy. Magbaguin, Valenzuela City. Hindi nasaktan si Amot.

Batay sa imbestigasyon, patungong hilaga ang jeepney nang mapunta ito sa kabilang lane at mabangga ang paparating na truck.

Niño N. Luces