BUONG pagmamalaki na may kaakibat na pagyayabang na ipinahiwatig ng isang kandidato: Patutunayan ko na ang isang maralita ay mananalo sa napipintong mid-term elections. Sa isang media forum kamakailan, tahasan ding ipinangalandakan ng naturang kandidato sa local government units (LGUs) na sapat na ang kanyang track record -- katapatan sa pamamahala at malasakit sa sambayanan -- upang magtagumpay sa eleksiyon.
Ang pahayag ng nabanggit na kandidato na hindi na natin pangangalanan ay ipinagkibit-balikat ng halos lahat ng dumalo sa forum. Hindi lingid sa ating kaalaman na sa mula’t mula pa lamang, ang eleksiyon ay hindi lamang magastos kundi madugo. Ang isang kandidatong mahirap at, siyempre, walang salapi ay laging nasa buntot ng labanan; at nakapanlulumong mabatid na ang ilang pulitiko na kumakandidato -- at nagbabalik kumandidato -- ay nagiging biktima ng malagim na trahedya.
Hanggang ngayon, isa pa ring bangungot ang inihuhudyat ng nakakikilabot na Guns, Gold and Goons (GGG) na laging kakambal ng kultura ng ating pulitika. Kahawig ito ng sistemang pampulitika na umiiral ngayon.
Paanong maitataguyod ng isang pulitiko ang kanyang kandidatura kung siya ay walang salapi? Hindi maliit na halaga ang kailangang gugulin sa pagpapagawa, halimbawa, ng naglalakihang karatula at bunton-buntong polyete na dapat ikalat sa buong kapuluan. Bukod pa rito ang limpak-limpak na pondo na dapat ilaan sa radio at TV ads. Natitiyak ko na hindi ito ikinababahala ng lantay na masasalapi na ang political funds ay mula sa kanilang pinagsikapang kayamanan.
Totoo, may mga political funds na nanggagaling naman sa kontribusyon ng kani-kanilang mga patron at kaalyado. At hindi rin maikakaila na may mga drug funds na mula naman sa kasangga ng mga narco-politicians. Saan man nagmula ang nasabing mga political funds, salapi pa rin ang pinaniniwalaan kong barometro ng resulta ng mga eleksiyon.
Bagamat hindi na sana dapat nangyayari, bahagi pa rin ng ating political culture ang kabi-kabilang political vendetta. Bahagi ito ng walang pakundangang patayan ng magkakalabang pulitiko, tulad ng ilang insidenteng naganap kamakailan.
Ang kalunus-lunos na mga eksenang ito - bukod sa magastos na halalan - ay marapat manmanan ng ating mga pulis at sundalo at iba pang security forces upang matiyak ang hinahangad nating Honest, Orderly and Peaceful Elections (HOPE).
-Celo Lagmay