Kinilala ng Gabriela Women’s Party nitong Linggo, Mayo 10, ang anila’y mga nanay na pasan ang bigat ng krisis na kinahaharap ng bansa araw-araw, kasabay ng selebrasyon ng Araw ng mga Ina.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ng Gabriela, iginiit din nila ang papel ng ina sa lipunan, na anila’y hindi lang natatapos sa pag-aaruga.
“Mabuhay ang mga ina ng sambayanan!” saad ng Gabriela sa kanilang post nitong Linggo, Mayo 10.
Anila, “Hindi natatapos sa pag-aaruga ang papel ng mga ina.”
“Araw-araw, pasan nila ang bigat ng krisis—mataas na presyo ng bilihin, mababang sahod, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon—habang patuloy na itinataguyod ang pamilya at kinabukasan ng kanilang mga anak,” dagdag pa nila.
Ayon pa sa grupo, kinikilala nila ang mga inang ipinaglalaban din ang karapatan at hustisya ng pamayanan.
“Ngayong Mother’s Day, pagpugayan natin ang mga inang lumalaban hindi lang para sa kanilang pamilya, kundi para rin sa karapatan, at hustisyang panlipunan,” anang Gabriela.