Ipapatawag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang briefing nitong Linggo, Mayo 10, 2026, sinabi ni Remulla na maglalabas ng subpoena ang CIDG laban kay dela Rosa upang personal itong humarap sa tanggapan ng CIDG sa Lunes, Mayo 11.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi warrant of arrest ang ipapadala sa senador.
“I repeat, this is not an arrest warrant but subpoena,” ani Remulla.
Ayon pa sa DILG secretary, ang subpoena ay kaugnay ng imbestigasyon na in aid of investigation kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings noong panahong nagsilbi si dela Rosa bilang Davao City Police Office director at regional director sa Davao Region.
Nauna nang umugong ang mga ulat hinggil sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dela Rosa dahil sa kaniyang naging papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Gayunman, ilang beses nang nilinaw ni Remulla na wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng warrant.
“Alleged pa rin siya hanggang ngayon. Pero as far as I'm concerned, wala pa ako nakikitang formal copy of a warrant of arrest or request for an arrest from the ICC,” ani Remulla sa naunang pahayag.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni dela Rosa hinggil sa planong pagpapadala ng subpoena ng CIDG.
Si dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police sa panahon ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Nauna nang inaresto at dinala sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa sa ICC dahil sa madugong war on drugs.
Maki-Balita: ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!